Sunday, July 22, 2012

Kalayaan?

Kalayaan Hulyo 12, 2013 19:00
 Gugunitain ko itong naganap na kalayaan
 Ang magandang sinasabi ng libro sa paaralan
Silang matatapang na bayaning nakipagpatayan
 sa manga kastilang nang-api sa bayang sinilangan.

 Gugunitain ko ba itong araw ng kalayaan?
Gayong isang daang taong mahigit na ang nagdaan
 Ikatutuwa ko bang ibandila ang kasaysayan,
 Nang Heneral na bayani raw ng ating bayan?

 Tayo'y malaya nga pagsapit ng araw ng halalan
 Malaya tayong pipili ng magtitimon sa bayan
Malaya tayong pumili ng pabrika't pagawaan
Sumahod ng katiting, umasa ng kaginhawaan.

 Milyung-milyon na ang nakaranas ng kagutuman
 Manga kabataang di nakatungtong ng paaralan
 Libu-libong maralita ang inalisan ng tirahan
 Libu-libong Manggagawang tinanggal ang kabuhayan.

 Gugunitain ko ang katotohanan ng kalayaan
Ang pagkagahaman ng iilan sa kapangyarihan
Huwad na kalayaan na nakasuso sa dayuhan
Kapitalistang pinaglalaruan ang kalayaan.

Wednesday, April 25, 2012

MABUTI NA NGA ANG GAN’TO?

MABUTI NA NGA ANG GAN’TO?
Tagagtak ang pawis ni Raymond habang nagbaba siya ng kanilang mga gamit sa truck ng NHA. Wala siyang sinasayang na oras, ganun din ang mga kasabay niyang kapitbahay na piniling tanggapin ang alok ng pamahalaan kesa manatili sa squatter area. Masakit man sa kalooban ay pinili niyang lisanin ang lugar na kanyang kinalakhan. Iniisip niyang walang mangyayari kung makikipagtigasan siya katulad ng mga kalugar niya na ginigiit pa na manatili sa lupang di naman nila pag-aari. Hanggang ngayon hinahanapan niya ng paliwanag ang karapatang bukang bibig ng mga namumunong opisyales ng oraganisasyong itinayo sa iniwan niyang lugar. “Mabuti nang ganito magkakaroon kami ng sariling bahay kahit malayo sa nakasanayan kong lugar.” Sabi niya sa kanyang sarili. “Pare, mukhang mahihirapan tayo sa lugar na ‘to…” si Erwin na tagagtak din ang pawis. “…parang ang layo ng lahat ng bagay.” “Makakapag-adjust din tayo, sa umpisa lang siguro ‘to” aniya. “Sana nga. Ang dami pa nating dapat gawin, kailangan ko pa ngang asikasuhin ang pag-transper sa tatlong anak ko.” Biglang pumasok ang samu’t saring suliranin sa isip niya. “Marami pang dapat gawin at asikasuhin.” Parang ang dami niyang nakaligtaan. “Marami pang dapat gawin at asikasuhin?” Nagbalik tanaw siya sa mga nagdaang araw. Mula sa isang pangkalahatang pagpupulong na inorganisa ng lokal na pamahalaan at ng National Housing Authority at iba pang ahensya ng gobyerno na hindi na niya maalala kung anu anong ahensya pa iyon. Wala siyang ibang inisip kundi kapakanan ng pamilya niya. Maganda naman ang mga nakahilerang litrato na inilatag ng NHA. Iba’t ibang klase ng porma ng bahay mula sa iba’t ibang lugar kung saan may proyekto ang pamahalaan para sa mga maralitang nanahan sa mga danger areas at mga lupa ng gobyerno na gagamitin para tayuan ng mga pasilidad para sa ikauunlad ng bayan. Pinagnilay-nilayan niya ang desisyon niya. Tama na tanggapin niya ang alok ng pamahalaan kapalit ang lisanin niya ang kaniyang tirahan na minana pa niya sa kanyang magulang upang bigyan daan ang “road widening” para naman ito sa ikauunlad ng bayan. Tama na tanggapin niya ang tatlumpung metro kuwadrado na lupa’t bahay mula sa malayong lugar, nakasisiguro naman siya na magiging sarili na niya ito at magiging panatag ang kaniyang kalooban sa banta ng marahas na demolisyon na ginagawa ng pamahalaan sa mga nagmamatigas na mamamayan na huwag lisanin ang tirahang nakatirik sa lupang hindi naman nila pagmamay-ari. Nagbabalik tanaw siya sa magagandang pangako ng pamahalaan, magandang buhay sa bagong tahanang aangkinin niya at ng kanyang pamilya. Twenty five years to pay. Lupa’t bahay na matagal na niyang pinangarap. Sa isang iglap ay matutupad na niya ang kanyang pangarap. Salamat sa pamahalaan, salamat sa opurtunindad na ibinigay sa kanyang pamilya na maranasan ang maalwan na buhay. Mararanasan na rin ng kanyang pamilya ang isang maalwan na buhay. Iniisip pa rin niya na ni sa hinagap ng kanyang buhay ay malabong magkaroon siya ng sariling bahay. Sa sahod niya sa pabrika ng syoktong na kanyang pinapasukan ay malabong makabili siya ng ganung klaseng lupa’t bahay. Kahit sabihin pang minimum ang kanyang sinasahod, gastos sa bahay at sa pag-aaral lang ng kanyang anak ay hindi na magkasya, bayarin pa sa kuryente at tubig. At least kahit madadagdagan ang bayarin niya buwan buwan ay mayroon naman siyang masasabing sariling tahanan. Tahanan na maitututring nilang santuwaryo ng kanyang pamilya. Kasama niya ang asawa’t mga anak niya habang pinagmamasdan ang kanilang bagong tahanan. Sa umpisa, masasabi niyang marami pang kulang, marami pang dapat gawin. Sakto naman ang laki ng bahay para sa kanyang pamilya. May isang kwarto at ang katapat na dibisyon nito ay ang maliit na kusina. Hindi naman maituturing na kaliitan ang sala at sa likod bahay ay sakto lang na labahan. Habang nag-aayos sila ng kanilang mga gamit, maraming bagay ang gumugulo sa isip niya. “Gaano nga ba kalayo ang Tondo?” biglang naitanong nito sa misis niya ang lugar kung saan siya naghahanapbuhay. “ O, bakit sa akin mo tinatanong ‘yan? Ikaw naman ang may gusto na dito na tayo.” kahit nakangiti ang kanyang asawa, alam niya na hindi ito masaya sa naging disisyon niya. Isang buntong hininga lang ang naging tugon niya. Siya nga ang may gusto na doon sila. Sa isang relocation area ng pamahalaan. Inisip na niya kung gaano kalayo ang Tondo ngunit nakaligtaan yata niyang isipin kung gaano ang presyo na makakaltas sa sahod niya kung araw araw siya mamamasahe. Gaano rin ba kalayo ang bayan? Ang palengke? Eskwelahan ng mga bata? O ng clinic o ospital? Naisama ba niya ito sa samu’t saring consideration kaugnay sa kanyang disisyon sa pagtanggap sa programang pabahay ng pamahalaan? Biglang gumulo ang utak niya, ang daming mga tanong ang nag-uunahang pumasok sa isip niya. Unang gabi sa bagong tahanan nila. Kailangan niyang bumili ng mahabang extension wire para lang magkaroon sila ng kuryente. Kailangan din niyang bumili ng malaking drum para pag-ipunan nila ng tubig. Dumidilim na, saka niya naiisip ang maraming pangangailangan nila. “Ga, kailangan nating bumili ng katre o kahit foam na lang.” paglalambing ng asawa niya. “mahirap namang matulog sa sahig, kahit latagan pa natin ng karton saka banigan, e masakit sa likod ang semento. Baka magkasakit pa ang mga bata.” “Sige lang ga, sa susunod na sweldo ko.” Bahagyang nawala ang ngiti sa labi ng kanyang asawa. Alam niya na nalulungkot ito sa kalagayan nila ngayon. Siya lang naman kasi ang may gustong makatira sa relocation site. Napag-awayan nila iyon minsan, dahil lalaki siya walang nagawa ang kanyang asawa. Desisyon niya ang masususnod dahil siya ang padre de pamilya. Naisip din niya ang mga bagay na pinag-uusapan nilang mag-asawa. Mga bagay na pinapaliwanag sa kanya ng kanyang asawa. “Ga, kung hindi natin igigiit ang karapatan natin patuloy lang tatapakan ang ating dangal. Kapirasong lupa lang naman ang hinihiling natin pero bakit hindi maibigay ng pamahaalan, mas pinapaburan pa nila ang malalaking kumpanya na gawing komersyal ang lugar natin.” “May inaalok naman silang bahay sa mga relocation site.” aniya. “Sa malayong lugar…” napailing pa ito. “Anong klaseng buhay meron sa mga relocation site? Ga, nandito ang buhay natin, ang ating kabuhayan. Kapag dinala tayo sa malayong lugar anong klaseng buhay ang naghihintay sa atin at sa mga kagaya nating mahihirap?” Lumipas ang ilang araw, kailangan na niyang pumasok sa trabaho. Habang nakasakay siya sa tren natutuwa siya dahil napakalinis ng kahabaan ng relis. Wala ng mga eskwater. Natutuwa siya dahil noong kabataan niya halos nakadikit na ang mga dingding ng mga bahay sa tren. Ngayon napakaaliwalas ng lugar sa mata. Ngunit habang tinatahak ng tren ang patungo ng Tutuban unti unti bumubulaga sa kanya ang kalagayan ng mga taong nakatira doon. Parang isang camp site ang gilid ng riles. Ang mga tarpaulin na ginamit sa eleksyon, mga kumot, sako at mga telang pinagduktong duktong ang nagsilbing bubung ng kanilang bahay. Bahay? Matatawag bang bahay ang ganoong klaseng tirahan. Natanaw din niya sa bandang Abad Santos ang tulak tulak na kariton ng dalawang mag-asawa, animoy mga pagong na tulak tulak ang kanilang bahay. Naisip niya ang kinabukasan ng kanyang pamilya. Halos mag-iisang dekada na siyang nagtatrabaho sa pabrika na kanyang pinapasukan ngunit wala pa ring asenso ang kanyang buhay. Ngayon, nakasisigurado siya na hindi sasapat ang sahod na natatanggap niya buwan buwan sa kanilang panggastos at mga bayarin. Ngayon niya napagtanto kung anong klaseng buhay meron siya. Na kahit anong klaseng paghihirap niya sa trabaho ay walang mangyayari sa kanya at sa mga pangarap niya para sa kanyang pamilya. Binalikan niya ang dating tirahan nila. Halos kalahati na ng kanilang kumunidad ay nagiba na pero nanatili pa rin roon ang mga dati niyang mga kapitbahay. Ang iba ay muling itinayo ang mga ginibang bahay. Mababakas mo ang karahasang nangyari sa lugar. Nakabarikada pa rin ang kanyang mga kabitbahay na tila nasa isang digmaan na naghihintay sa pagdating ng mga kaaway. May mga streamer at placard na nakakabit sa bungad ng mga bahay, mga pahayag ng nagsusumamo’t naghihimagsik na mamamayan. SERBISYONG PABAHAY! HINDI NEGOSYO! WALANG DEMOLISYON HANGGA’T WALANG NEGOSASYON! Natuklasan niya mismo na hindi lamang ang mga tahanan ang pinuntirya ng mga nagdemolis sa kanila. May mga dinampot raw na lider, mga kabataan at kababaihan na ipinaglaban ang kanilang karapatan. May mga sugatan at muntik nang mamatay na hanggang ngayon ay nakaratay raw sa pampublikong ospital. Nabagabag siya sa kanyang mga nalaman. Nakaramdam siya ng awa… hindi, nakaramdam siya ng galit. Naalala niya ang madalas na pagtalunan nila ng kanyang asawa. “Hahayaan na lang ba natin na tapaktapakan ng mga mayayaman ang dignindad nating mga mahihirap!?” ani ng kanyang asawa. May kung anong kirot ang naramdaman niya sa kanyang puso. Hanggang nasumpungan niya ang kanyang sarili na magtungo sa bahay ng lider maralita ng kumunidad na kanyang kinalakhan. Nasabi niya, “Marami pa akong gustong alamin.”

Friday, December 2, 2011

susuportahan ko at ibinoboto ang klasmeyt kong si Otep ng Libreng Lang Mangarap para sa 2011 Philippine Blog Awards Blogger’s Choice

susuportahan ko at ibinoboto ang klasmeyt kong si Otep ng Libreng Lang Mangarap para sa 2011 Philippine Blog Awards Blogger’s Choice

2011 Philippine Blog Awards Bloggers’ Choice


bakit ko sya sinusuportahan? syempre kaklase ko sya nung college sa TUP... syempre kailangan nyang manalo sa blog award... at pag nanalo.. isa ako sa nagpanalo... hehehehe.....

"Katulad ng napakaraming bagay, mga pangyayari, ang simula minsan ay napakahirap gawin. Paano nga ba sisimulan ang mga bagay na gusto mong mangyari? Minsan nangangarap tayo pero hanggang pangarap na lang ba tayo? “Libre lang mangarap”, sabi nga ng sinaunang modernong tao, ganun din ng kanta ng Parokya ni Edgar, at ayon sa blog ni Otep (naging klasmeyt ko sa TUP). Pero pa’no ba sisimulan ang pagkakamit ng mga pangarap? O baka suntok sa buwan ang mga pinapangarap kaya mahirap simulan?"

yan siguro ung dahilan kung bakit ko sya iboboto... ^^

Monday, October 17, 2011

Monopolyo nga naman

Monopolyo nga naman
09.25.11
10am

Sa aking pagka-aliw sa sarsuwelang nasaksihan
Umusbong ang hinagpis sa kaapihang natuklasan
Monopolyo ay resulta ng elitistang banggaan
Hindi tunggalian ng mahirap at ng mayaman.

Lahat sila’y nagkakaisa, kumpitensya man ay nar’yan
Pagsagad ng kahirapan, sadyang tubo ang dahilan
Paglilinlang sa masang kailanma’y di naambunan
Serbisyo’t pakinabang ng kasalukuyang lipunan.

Ang gobyerno’y parang isang manyikang tautauhan
Para bang pinagagalaw ng kapitalistang isipan
Pag-aari ng bayan kinakamkam na ng tuluyan
Tila kending inilako sa interes ng iilan.

Anong klaseng monopolyo pa kaya ang aabangan
At tuluyan ng magising damdamin ng mamamayan
Halina’t baklasin naghaharing uri ng lipunan
Manggagawa’t maralita ay magkaisa’t lumaban.

Ang gobyerno’y sadyang isang manyikang tautauhan
Sadya ngang pinagagalaw ng kapitalistang isipan
Pag-aari ng bayan kinakamkam na ng tuluyan
Tila kending inilako sa interes ng iilan.

Wednesday, September 21, 2011

Haring Bakal

Haring Bakal
07.11.11
11pm


Naghahari ang kali-kaliwang bakal
Nang riles, nang nagdudustang ekonomiya
Sa tula-tulakang tao, nang di mabilang na pinto
Kung saan tutungo, sa paroroonan
O sa tindi ng init, sa kabila ng buga ng aircon.

Naghahari ang pagtitipid
Nang sampung piso hanggang kinse
At kahit ang presyon ay tataas
Sa kabi-kabilang amoy ng naghahalong pawis
Nang iba't ibang tao, mukha, balikat!

Naghahari ang bawat istasyon
Mula alabang hanggang tutuban, 'wag kang haharang harang
Sa dami ng pasahero sa sais per kwatrong upuang kahoy
Sa paghihintay ng bawat minuto'y kakabakaba
Sa duyan na tila impyernong kahon.

Naghahari ang bilis
Nang swerteng di mahuli sa trabaho
Unaunahan, siksik hangga't may puwang
Ang kaawaawang aleng pinagpipyestahan ang balat ng katawan
Nang bading, nang mamang nagmumura sa sistemang kinasasadlakan.

Naghahari sa kasiyahan
Ang malulungkot na mukha ng estudyante sa PUP
Nang mga nag-aaral sa eskwelahang nakakonekta sa Espanña
Nang mga construction worker sa Makati
At naghahari ang mga singkit sa tinatamasang karangyaan.

Mahiwagang Langis

Mahiwagang Langis
07.02.11
8am


Haplusin mo ang aking kaibuturan
Lunasan mo ang aking nararamdaman
Maghimala ka ng walang katapusan
Gamutin mong sugat ng puso't isipan.

Pagmasdan mo silang nangangailangan
Pila-pila lang, nakikipag-unahan
Resetang hawak walang mapaghugutan
Bahala nang umiwas kay kamatayan.

Grabe na kalala itong kalagayan
Pagkakawang gawa'y ginawang minahan
Parang sa isang pyesta'y nagchichibugan
Habang naglilimos ang karamihan.

Itong paghihirap tuluyang wakasan
Pananamantala'y dapat ng pigilan
Isang hagod lang ng makapangyarihan
Mahiwagang langis, maghiwaga naman.

Thursday, September 8, 2011

award.. di masamang sumali...





Di nga masamang mangarap kung ito'y matutupad
Magpapalipad ng saranggola hanggang marating ang alapaap
Ang hangin ay pilit na susuungin, sa lupid ako'y nakakawing
Ang tagumpay ay di ang parangal kundi ang kasiyahang mapagtatagumpayan.

Sunday, July 24, 2011

Manggagawa

Manggagawa
July 1, 2011
16:00

Natataranta ang mga paa sa paghahabol ng oras,
Nagkakarera sa pagsibol ng umaga.

Sa paghaplos ng haring araw sa mga balat
Na nagkakaisang kahit ano pang kinis nito’t gaspang
Pagsasamantalahan ka ng init,
Susunugin,
Papasuin.

Walang pakundangan ang bawat minuto
ng walong oras mong sumusobra
Sa pabrika,
Sa mga fast food,
At nakakalulang mga mall.

Ang mga galaw ay parang robot na de baterya
At kahit ga’no pa ang pagpatak ng pawis
ay walang katumbas na halaga.

Mabuti kung ang lipunan ay nagiging patas
Sa pagtingin at trato sa mayaman at mahirap.

Mabuti kung ang manggagawa’y lagi ng may tagapakinig
Sa libro de kwenta ng kanyang kalayaan at karapatan.

Dumarating sa puntong kailangan niyang dumaing
Nananakit ang balikat at kasukasuhan,
Nagkakapalang kalyo sa bawat detalye ng palad.

At ang mga paa
Patuloy na tumatakbo,
Naghahabol,
Nakikipagkarera sa buhay
Sumasalo ng buong bigat at paghihirap.

Manggagawa
Isa siyang manggagawa
Nagpapatakbo ng makina
Hindi pinapatakbo ng makina
Hinding hindi.

Pagbubuklod

Pagbubuklod
July 1, 2011
20:30

Iisiping pagbubuklod buklurin
Ang pinaghiwa-hiwalay na ideya ng pagkabigo
Na ang katotohanan ay ang kahinaang harapin ang pagamba
Ang takot na hindi na muling makita ang saya.

Iisiping sa pagkawatak-watak, pagbubuklod buklurin
Ang dahilang pagbabangga ng iba’t ibang pananaw
Na ang tunay ay ang pagkakabansot ng tindig at kaalaman
Ang ninakaw na karapatang makita ang totoong kalagayan.

Iisiping susubukin ang lahat ay pagbubuklod buklurin
Ang makita ang kamalian ng bawat isa’y tama
Na saan mang anggulo ng paroo’t parito’y kailangang magkaisa
Ang tao’y hindi lang kami o tayo sapagkat iisa tayo.

Iisiping tamang pagbubuklod buklurin
Ang layu-layong damdaming puno ng emosyon
Na ang bawat pagtibok ng puso’y makikita ang sidhi
Ang pagnanais sa tagumpay na iisang mithi sa kanya kanyang paraan.

Iisiping pagbubuklod buklurin
Ang batabatalyong paksyon ng silakbo ng isipan
Na ang bigat ng dala dala’y paghahatian
Ang tangi munang magagawa’y bigkisin ang prinsipyong dumadaloy sa bawat isa.

Tuesday, July 19, 2011

Akin Lang

Akin Lang

Aangkinin ko ang aking araw
Ipagkakait ko ang aking gabi
Kahit may mga luha ng nagwawala
Sa pakiramdam ng dulo ng aking pag-iisa.

Pilitin ko mang maging masaya
Ngunit may kulang, hindi ko madama
Ang pighati ay nakaukit na sa aking puso
At di ko matanggap, kahit ang lunas.

Sasabayan ko ang bawat himig ng awit
Kahit ang balikat ko'y bagsak
Sa gulagulanit kong pag-iisip
Kailan kaya mapapawi ang lumbay.

Tanungin ko kaya ang mga anghel
Baka sakaling ibaba nila ang mga tala
Di man ngayon, maaaring bukas o sa susunod
Dumungaw ang liwanag, magpakita ng gilas.

Ngunit ngayo'y ipagkakait ko ang aking araw
O kahit ang gabi ay hindi ko ibibigay
Sasarilinin ko ang lahat pati na ang wakas
Dahil akin ang aking araw, akin lang, walang iba.



Hulyo 20, 2011
00:31

Sunday, June 26, 2011

Iisipin ko

Iisipin ko na hindi bumabagyo
At ang lagaslas ng ulan ay di nag-iingay
Walang tumutulo sa loob ng bahay
Hindi liliparin yerong ipinatong lang.

Iisipin kong matindi ang araw
At ang sampay matutuyo naman
Naglalakad sa labas ng di mababasa
Matang lumuluha unti-unting makikita.

Iisipin kong masaya ang buhay
Kahit ang hapag ay puro tuyo na lang
Mapapatid din ang matinding uhaw
Kung ang oportunidad ay matatanaw.

Iisipin kong walang kaguluhan
Walang mang-aapi't walang inaapi
Doon sa tindahang puro na lang buwetre
Isang katutak na kotongan, 'sang katutak ang bukulan.

Iisipin kong libre ang eskwelahan
Walang bayaring pinag-iipunan
Ang ospital ay madaling puntahan
Nariyan lang kapag kailangan.

Iisipin kong umuulan na lang
Sa pagsikat ng araw ay wala rin naman
Patuloy ang pagkapaso sa initan
Lipunang walang patutunguhan.

Monopolyo na naman

Ang iilang naghaharing uri'y nagbabanggaan
Ang demokrasya'y kanila ng pinaglalaruan
Matira ang matibay, magdurusa ang talunan
Tiyak ang tubo sa magwawagi ang hangganan.

Kalayaan sa merkado'y tuluyang niyurakan
Mapagtagumpayan lamang ang pagiging gahaman
Piso pisong text ngunit limpak limpak ang kitaan
At may bulong bulungan, wala namang pinuhunan.

At ano 'tong gustong magpasaya sa mamamayan
Animo'y bulag sa tunay na interes ng bayan
Naturingang taga-pangalaga ng karapatan
Namumuong monopolyo'y binibigyan ng daan.

Babalik na naman bangungunot ng nakaraan
Mas grabe pa ang kahihinatnan ng sambayanan
Pagsasamantalang nagdudulot ng kahirapan
Monopolyong hatid ng imperyalistang isipan.

Halina maralita, kumilos tayo't lumaban
Pagkakaisa'y bigkisin para sa kalayaan
Manggagawa ang ating hanay lalong palakasin
Ang pang-aapi ay tuluyan na nating buwagin.

Thursday, June 9, 2011

Ang Kapalaran ng Sanggol

-June 6, 2011

Anong kapalaran ng sanggol sa hindi patas na panahon?
Sapat kaya ang pag-aaruga na sa kanya'y nakalaan?
Boses kaya'y naririnig sa tuwina siya'y dumaraing?
Kung kalusugan niya'y nasa bingit, ano kaya ang darating?

Ang kanyang minamahal na ina ay sampu ang iniluwal
Nagsisiksikan pa sa tahanang ga sino na ang pagbuwal
Madalas nga ang sa gutom inaabot nila'y panginginig
Mamamatay nga silang dilat ng wala man lang nakarinig.

Ang kanyang ama'y sa kalsada namumuhay ng may dangal
Basura'y ginagawang pera hindi batid ang pagkapagal
Kakapit sa patalim sa suliraning di kayang sagutin
Walang magawa sa opurtunidad na ang hirap abutin.

Ang binata'y nakabuntis, isang katorse anyos na paslit
Nagmamahalan nga sila na sukatan ng dusa't pasakit
Tatakbo sa kung saan kagyat na maghahanap ng silungan
Aborsyon lang ang kayang paraan ng mura nilang isipan.

Ang dalaga ay si Nene, kahirapan ng buhay ay batid
Katuwang siya ng pamilya sa paghahanap ng pantawid
Sa Club kung sinu-sino na lang ang kaulayaw sa magdamag
Kahit na ang murang katawan parang karneng pinapagpag.

Ang sanggol ay nasa bisig kalong ng nananangis na ina
Walang kamalay-malay maaaring maganap sa kanya
Tila ang gobyerno'y walang plano sa kinabukasan.
Hinahayaang pang maglaho nakalatag na karapatan.

Monday, June 6, 2011

Babae Ka

-June 4, 2011


Babae ka, sa ganang akin
Minamahal dahil babae ka
Dahil babae ka para sa lalaki
Dahil para sa tahanan nagniningning.

Babae ka, sa ganang akin
Dahil minsan ika'y doktor
Isang nars na mapag-aruga
Serbedura sa gabi't umaga.

Babae ka, sa ganang akin
Isang magaling na kusinera
Labandera't plantsadora
Minsan tubero sa kusina.

Babae ka, sa ganang akin
Di ba't elektrikpan binubutingting?
Pintor ka't karpintero
Sa ilalim ng araw ika'y hardinero.

Babae ka, sa ganang akin
Epektibo kang titser
Taga-ayos ng kakarampot na budget
Taga-salo ng 'sang katutak na suliranin.

Babae ka, sa ganang akin
Isa kang pabrika ng mga bata
Kakat'wang punching bag
Parausan lang ni mister.

Babae ka, sa ganang akin
Dahil itinakda ka lang ng lipunan
Pero wala sayong nagmamay-ari
Babae ka! Tumindig ka!

Nasaan ka kasama?

-May 21, 2011

Anong nangyari sayo kasama?
Bakit ikaw ay nagkaganyan?
Di ba't pinupuri ka ng iyong ina,
Kahit minsan ay inaalipusta?

Bakit sa masukal ika'y naglalakbay,
Dala-dala ang iyong mga anak?
Sinusubukan mo ba ang iyong kagitingan?
Kahit pasakit ang daratnang kapalaran.

Naubos na ang iyong luha
Sa hapdi ng iyong pag-iisa
Bibitaw ka na ba sa nagliliyab na laban,
Sa tunggaliang niyakap ng iyong mahal?

Iminulat ka ng teribleng panahon
Nagmulat ka rin sa maraming pagkakataon
Sa gitna ng digma ika'y isang rosas
Hindi isang kalapating naghihinagpis.

Nasaan ka na kaya kasama?
Sana ang lagay mo'y mabuti
Prinsipyo'y 'wag sanang iwaksi
Sa wagas ng pusong nakakubli.

Sunday, March 27, 2011

O, Inang Kalikasan (Sa pusod ng Palawan)
March 26, 2011



Pumapailanlang ang tinig ng iyong pagtangis
Ang kaluwalhatian mo ay pilit na dinahas
Hinamak ang iyong kagandahan sa isang kumpas
Niyurakan ang dangal, walang awang winasiwas.

Ang puno mo’y itinumba, batis mo’y dinungisan
Ang magsasaka’y natanggalan ng lupang sakahan
Ang mangingisda’y nataboy sa laot ng kawalan
O, Inang Kalikasan, panganib ay nariyan.

Nagdiwang sa pagkamal ng karampot na salapi
Sinisilaw sa pag-unlad, buhay ay binibili
Kaguluhan sa tunggalian ng iisang lahi
Habang ang nagpapayamang uri ay nakangisi.

Walang habas sa pagbungkal, magiting na minero
Tila di alintana pagdaing ng palawenyo
Ano ang papel ng kagalang-galang na gobyerno?
Ang Inang Kalikasan, tuluyan bang maglalaho?

Kayamanan ng Palawan ay yaman nga ng bansa
Di ng dayuhan at negosyanteng hangad ay kita
Sukdulang inangkin, sa perlas niya’y nagpasasa
O, Inang Kalikasan, sa pusod ng kanyang diwa.

Monday, January 24, 2011

Hanggang Dito Na Lang

Hanggang Dito Na Lang
07.20.2009

Nais kitang kalimutan na
sa hatinggabi ng aking pag-iisa
Ngiti sa aki'y nagpapasaya
tila pasakit ang dala-dala
Pangarap na makasama ka
ngunit ito sayo'y kahibangan, di ba?
Ibabaling na lang sa iba
itong pag-ibig na nadarama
Makita lang kitang maligaya
kahit sa piling ka pa ng iba
Hanggang dito na lang talaga
di na muling aasa pa.

Wednesday, December 15, 2010

Taong Pagong

Taong Pagong
12.12.10

Dadaan ang bagyo, lilipas ang tag-init
Nakikipagbuno sa panahong kaylupit
Anong dignidad sa kapalaran gumuhit
Kung kanino, ang dibdib ay puno ng galit.

Minsan ngingiti, madalas nakasimangot
Pa'no'y kalagayan masahol pa sa sakit
parang isang epedemya na walang gamot
Uusad usad lang sa kitang kakarampot.

Ang paglaklakbay ay walang ngang katapusan
Kung saan masumpungan, do'n ang kaharian
Kahabaan ng lansangan tila kawalan
Tila walang nagsisilbing pamahalaan.

Ang kanlungan ay batid na isang kariton
Walang amelyar, walang malaking lupain
Wala ring opurtunidad at kaunlaran
Paano ng nalalabing kinabukasan.

Ang Ama'y taga-timun kung saan hahantong
Si bunso sa bisig ni Inay nakakulong
Kabuhayan ay kanilang sinasalubong
Basurahang sa kanila'y nakakatulong.

Wednesday, December 8, 2010

Pagninilay

Pagninilay
12.07.10

Ang hirap katunggali ng emosyon
Habang ang isang pakiramdam
ay dumudurog sa katikasan
Habang ang hapdi ay naglalaro
sa damdamin
Parang tortyur sa bawat araw
ang kabiguan.

Dumadaloy at nakatatak na
sa isipan
Mas madaling tiisin
ang karamdaman
Mas madaling harapin
ang kamatayan
Kesa parang pulubing
namamalimos ng awa.

Itinakda ng lipunan ang kalagayan
ng mahirap
Itinakda rin ba na ang mayayaman lang
ang may kaginhawaan?
Pinakamaswerte pa rin
ang hindi pa naisisilang
Sapagkat hindi pa nila nararanasan
ang pagkaitan.

Sunday, December 5, 2010

Ang Haba ng Pila sa Lansangan

Ang Haba ng Pila sa Langsangan
12.05.10

Pahaba ng pahaba ang pila sa lansangan
Tila ang pangarap ay walang katapusan
Uusad kung minsan, walang kasiguruhan
Hihinto pagkaraan, maghihintay sa karangyaan.

Tataya sa Lotto, sagot sa kahirapan
Manonood ng sine upang problema'y malimutan
Sa LRT siksikan, walang mapaglagyan
Saan ba ang aking byahe, patungo sa kung saan?

Balde baldeng tubig ang aking bitbit bitbit
Buti pa ang iba, grocery ang dala dala
Nakikipag-unahan sa osya ng simbahan
Mapagbigyan kaya itong aking kahilingan?

Pahaba ng pahaba ang pila sa lansangan
Tila ang unahan ay di ko natatanaw
Buti pa ang ekonomiya, umuusad, umuunlad
E itong kalagayan, anong patutunguhan?

May feeding ang mga bata, sponsor ni Konsehal
May relief sa nasunugan, kay Chairman dumaan
Pa-parti ni Mayor, Pa-birthday ni Congressman
Marami pa ring nagugutom, sa kalye nakabaon.

Si Will nagpa-pogi sa mga lola ng tahanan
Si Bossing nagtawag, pantawid gutom ni Juan
Namamahagi ng swerte, kumikita naman sila ng malaki
Pila-pila lang, makakarating din sa paroroonan.

Ang haba haba ng pila sa lansangan
Tila ang hangganan ay di matagpuan
May kikilos para sa Inang Bayan!
Anong klaseng uri naman ang makikinabang?

Libo-libong botante sa bawat eskwelahan ang nakapila
Libo-libong mamamayan sa bawat ospital ang nakapila
Libo-libong manggagawa sa tanggalan nakapila
Libo-libong maralita sa demolisyon nakapila.