Friday, December 2, 2011

susuportahan ko at ibinoboto ang klasmeyt kong si Otep ng Libreng Lang Mangarap para sa 2011 Philippine Blog Awards Blogger’s Choice

susuportahan ko at ibinoboto ang klasmeyt kong si Otep ng Libreng Lang Mangarap para sa 2011 Philippine Blog Awards Blogger’s Choice

2011 Philippine Blog Awards Bloggers’ Choice


bakit ko sya sinusuportahan? syempre kaklase ko sya nung college sa TUP... syempre kailangan nyang manalo sa blog award... at pag nanalo.. isa ako sa nagpanalo... hehehehe.....

"Katulad ng napakaraming bagay, mga pangyayari, ang simula minsan ay napakahirap gawin. Paano nga ba sisimulan ang mga bagay na gusto mong mangyari? Minsan nangangarap tayo pero hanggang pangarap na lang ba tayo? “Libre lang mangarap”, sabi nga ng sinaunang modernong tao, ganun din ng kanta ng Parokya ni Edgar, at ayon sa blog ni Otep (naging klasmeyt ko sa TUP). Pero pa’no ba sisimulan ang pagkakamit ng mga pangarap? O baka suntok sa buwan ang mga pinapangarap kaya mahirap simulan?"

yan siguro ung dahilan kung bakit ko sya iboboto... ^^

Monday, October 17, 2011

Monopolyo nga naman

Monopolyo nga naman
09.25.11
10am

Sa aking pagka-aliw sa sarsuwelang nasaksihan
Umusbong ang hinagpis sa kaapihang natuklasan
Monopolyo ay resulta ng elitistang banggaan
Hindi tunggalian ng mahirap at ng mayaman.

Lahat sila’y nagkakaisa, kumpitensya man ay nar’yan
Pagsagad ng kahirapan, sadyang tubo ang dahilan
Paglilinlang sa masang kailanma’y di naambunan
Serbisyo’t pakinabang ng kasalukuyang lipunan.

Ang gobyerno’y parang isang manyikang tautauhan
Para bang pinagagalaw ng kapitalistang isipan
Pag-aari ng bayan kinakamkam na ng tuluyan
Tila kending inilako sa interes ng iilan.

Anong klaseng monopolyo pa kaya ang aabangan
At tuluyan ng magising damdamin ng mamamayan
Halina’t baklasin naghaharing uri ng lipunan
Manggagawa’t maralita ay magkaisa’t lumaban.

Ang gobyerno’y sadyang isang manyikang tautauhan
Sadya ngang pinagagalaw ng kapitalistang isipan
Pag-aari ng bayan kinakamkam na ng tuluyan
Tila kending inilako sa interes ng iilan.

Wednesday, September 21, 2011

Haring Bakal

Haring Bakal
07.11.11
11pm


Naghahari ang kali-kaliwang bakal
Nang riles, nang nagdudustang ekonomiya
Sa tula-tulakang tao, nang di mabilang na pinto
Kung saan tutungo, sa paroroonan
O sa tindi ng init, sa kabila ng buga ng aircon.

Naghahari ang pagtitipid
Nang sampung piso hanggang kinse
At kahit ang presyon ay tataas
Sa kabi-kabilang amoy ng naghahalong pawis
Nang iba't ibang tao, mukha, balikat!

Naghahari ang bawat istasyon
Mula alabang hanggang tutuban, 'wag kang haharang harang
Sa dami ng pasahero sa sais per kwatrong upuang kahoy
Sa paghihintay ng bawat minuto'y kakabakaba
Sa duyan na tila impyernong kahon.

Naghahari ang bilis
Nang swerteng di mahuli sa trabaho
Unaunahan, siksik hangga't may puwang
Ang kaawaawang aleng pinagpipyestahan ang balat ng katawan
Nang bading, nang mamang nagmumura sa sistemang kinasasadlakan.

Naghahari sa kasiyahan
Ang malulungkot na mukha ng estudyante sa PUP
Nang mga nag-aaral sa eskwelahang nakakonekta sa Espanña
Nang mga construction worker sa Makati
At naghahari ang mga singkit sa tinatamasang karangyaan.

Mahiwagang Langis

Mahiwagang Langis
07.02.11
8am


Haplusin mo ang aking kaibuturan
Lunasan mo ang aking nararamdaman
Maghimala ka ng walang katapusan
Gamutin mong sugat ng puso't isipan.

Pagmasdan mo silang nangangailangan
Pila-pila lang, nakikipag-unahan
Resetang hawak walang mapaghugutan
Bahala nang umiwas kay kamatayan.

Grabe na kalala itong kalagayan
Pagkakawang gawa'y ginawang minahan
Parang sa isang pyesta'y nagchichibugan
Habang naglilimos ang karamihan.

Itong paghihirap tuluyang wakasan
Pananamantala'y dapat ng pigilan
Isang hagod lang ng makapangyarihan
Mahiwagang langis, maghiwaga naman.

Thursday, September 8, 2011

award.. di masamang sumali...





Di nga masamang mangarap kung ito'y matutupad
Magpapalipad ng saranggola hanggang marating ang alapaap
Ang hangin ay pilit na susuungin, sa lupid ako'y nakakawing
Ang tagumpay ay di ang parangal kundi ang kasiyahang mapagtatagumpayan.

Sunday, July 24, 2011

Manggagawa

Manggagawa
July 1, 2011
16:00

Natataranta ang mga paa sa paghahabol ng oras,
Nagkakarera sa pagsibol ng umaga.

Sa paghaplos ng haring araw sa mga balat
Na nagkakaisang kahit ano pang kinis nito’t gaspang
Pagsasamantalahan ka ng init,
Susunugin,
Papasuin.

Walang pakundangan ang bawat minuto
ng walong oras mong sumusobra
Sa pabrika,
Sa mga fast food,
At nakakalulang mga mall.

Ang mga galaw ay parang robot na de baterya
At kahit ga’no pa ang pagpatak ng pawis
ay walang katumbas na halaga.

Mabuti kung ang lipunan ay nagiging patas
Sa pagtingin at trato sa mayaman at mahirap.

Mabuti kung ang manggagawa’y lagi ng may tagapakinig
Sa libro de kwenta ng kanyang kalayaan at karapatan.

Dumarating sa puntong kailangan niyang dumaing
Nananakit ang balikat at kasukasuhan,
Nagkakapalang kalyo sa bawat detalye ng palad.

At ang mga paa
Patuloy na tumatakbo,
Naghahabol,
Nakikipagkarera sa buhay
Sumasalo ng buong bigat at paghihirap.

Manggagawa
Isa siyang manggagawa
Nagpapatakbo ng makina
Hindi pinapatakbo ng makina
Hinding hindi.

Pagbubuklod

Pagbubuklod
July 1, 2011
20:30

Iisiping pagbubuklod buklurin
Ang pinaghiwa-hiwalay na ideya ng pagkabigo
Na ang katotohanan ay ang kahinaang harapin ang pagamba
Ang takot na hindi na muling makita ang saya.

Iisiping sa pagkawatak-watak, pagbubuklod buklurin
Ang dahilang pagbabangga ng iba’t ibang pananaw
Na ang tunay ay ang pagkakabansot ng tindig at kaalaman
Ang ninakaw na karapatang makita ang totoong kalagayan.

Iisiping susubukin ang lahat ay pagbubuklod buklurin
Ang makita ang kamalian ng bawat isa’y tama
Na saan mang anggulo ng paroo’t parito’y kailangang magkaisa
Ang tao’y hindi lang kami o tayo sapagkat iisa tayo.

Iisiping tamang pagbubuklod buklurin
Ang layu-layong damdaming puno ng emosyon
Na ang bawat pagtibok ng puso’y makikita ang sidhi
Ang pagnanais sa tagumpay na iisang mithi sa kanya kanyang paraan.

Iisiping pagbubuklod buklurin
Ang batabatalyong paksyon ng silakbo ng isipan
Na ang bigat ng dala dala’y paghahatian
Ang tangi munang magagawa’y bigkisin ang prinsipyong dumadaloy sa bawat isa.

Tuesday, July 19, 2011

Akin Lang

Akin Lang

Aangkinin ko ang aking araw
Ipagkakait ko ang aking gabi
Kahit may mga luha ng nagwawala
Sa pakiramdam ng dulo ng aking pag-iisa.

Pilitin ko mang maging masaya
Ngunit may kulang, hindi ko madama
Ang pighati ay nakaukit na sa aking puso
At di ko matanggap, kahit ang lunas.

Sasabayan ko ang bawat himig ng awit
Kahit ang balikat ko'y bagsak
Sa gulagulanit kong pag-iisip
Kailan kaya mapapawi ang lumbay.

Tanungin ko kaya ang mga anghel
Baka sakaling ibaba nila ang mga tala
Di man ngayon, maaaring bukas o sa susunod
Dumungaw ang liwanag, magpakita ng gilas.

Ngunit ngayo'y ipagkakait ko ang aking araw
O kahit ang gabi ay hindi ko ibibigay
Sasarilinin ko ang lahat pati na ang wakas
Dahil akin ang aking araw, akin lang, walang iba.



Hulyo 20, 2011
00:31

Sunday, June 26, 2011

Iisipin ko

Iisipin ko na hindi bumabagyo
At ang lagaslas ng ulan ay di nag-iingay
Walang tumutulo sa loob ng bahay
Hindi liliparin yerong ipinatong lang.

Iisipin kong matindi ang araw
At ang sampay matutuyo naman
Naglalakad sa labas ng di mababasa
Matang lumuluha unti-unting makikita.

Iisipin kong masaya ang buhay
Kahit ang hapag ay puro tuyo na lang
Mapapatid din ang matinding uhaw
Kung ang oportunidad ay matatanaw.

Iisipin kong walang kaguluhan
Walang mang-aapi't walang inaapi
Doon sa tindahang puro na lang buwetre
Isang katutak na kotongan, 'sang katutak ang bukulan.

Iisipin kong libre ang eskwelahan
Walang bayaring pinag-iipunan
Ang ospital ay madaling puntahan
Nariyan lang kapag kailangan.

Iisipin kong umuulan na lang
Sa pagsikat ng araw ay wala rin naman
Patuloy ang pagkapaso sa initan
Lipunang walang patutunguhan.

Monopolyo na naman

Ang iilang naghaharing uri'y nagbabanggaan
Ang demokrasya'y kanila ng pinaglalaruan
Matira ang matibay, magdurusa ang talunan
Tiyak ang tubo sa magwawagi ang hangganan.

Kalayaan sa merkado'y tuluyang niyurakan
Mapagtagumpayan lamang ang pagiging gahaman
Piso pisong text ngunit limpak limpak ang kitaan
At may bulong bulungan, wala namang pinuhunan.

At ano 'tong gustong magpasaya sa mamamayan
Animo'y bulag sa tunay na interes ng bayan
Naturingang taga-pangalaga ng karapatan
Namumuong monopolyo'y binibigyan ng daan.

Babalik na naman bangungunot ng nakaraan
Mas grabe pa ang kahihinatnan ng sambayanan
Pagsasamantalang nagdudulot ng kahirapan
Monopolyong hatid ng imperyalistang isipan.

Halina maralita, kumilos tayo't lumaban
Pagkakaisa'y bigkisin para sa kalayaan
Manggagawa ang ating hanay lalong palakasin
Ang pang-aapi ay tuluyan na nating buwagin.

Thursday, June 9, 2011

Ang Kapalaran ng Sanggol

-June 6, 2011

Anong kapalaran ng sanggol sa hindi patas na panahon?
Sapat kaya ang pag-aaruga na sa kanya'y nakalaan?
Boses kaya'y naririnig sa tuwina siya'y dumaraing?
Kung kalusugan niya'y nasa bingit, ano kaya ang darating?

Ang kanyang minamahal na ina ay sampu ang iniluwal
Nagsisiksikan pa sa tahanang ga sino na ang pagbuwal
Madalas nga ang sa gutom inaabot nila'y panginginig
Mamamatay nga silang dilat ng wala man lang nakarinig.

Ang kanyang ama'y sa kalsada namumuhay ng may dangal
Basura'y ginagawang pera hindi batid ang pagkapagal
Kakapit sa patalim sa suliraning di kayang sagutin
Walang magawa sa opurtunidad na ang hirap abutin.

Ang binata'y nakabuntis, isang katorse anyos na paslit
Nagmamahalan nga sila na sukatan ng dusa't pasakit
Tatakbo sa kung saan kagyat na maghahanap ng silungan
Aborsyon lang ang kayang paraan ng mura nilang isipan.

Ang dalaga ay si Nene, kahirapan ng buhay ay batid
Katuwang siya ng pamilya sa paghahanap ng pantawid
Sa Club kung sinu-sino na lang ang kaulayaw sa magdamag
Kahit na ang murang katawan parang karneng pinapagpag.

Ang sanggol ay nasa bisig kalong ng nananangis na ina
Walang kamalay-malay maaaring maganap sa kanya
Tila ang gobyerno'y walang plano sa kinabukasan.
Hinahayaang pang maglaho nakalatag na karapatan.

Monday, June 6, 2011

Babae Ka

-June 4, 2011


Babae ka, sa ganang akin
Minamahal dahil babae ka
Dahil babae ka para sa lalaki
Dahil para sa tahanan nagniningning.

Babae ka, sa ganang akin
Dahil minsan ika'y doktor
Isang nars na mapag-aruga
Serbedura sa gabi't umaga.

Babae ka, sa ganang akin
Isang magaling na kusinera
Labandera't plantsadora
Minsan tubero sa kusina.

Babae ka, sa ganang akin
Di ba't elektrikpan binubutingting?
Pintor ka't karpintero
Sa ilalim ng araw ika'y hardinero.

Babae ka, sa ganang akin
Epektibo kang titser
Taga-ayos ng kakarampot na budget
Taga-salo ng 'sang katutak na suliranin.

Babae ka, sa ganang akin
Isa kang pabrika ng mga bata
Kakat'wang punching bag
Parausan lang ni mister.

Babae ka, sa ganang akin
Dahil itinakda ka lang ng lipunan
Pero wala sayong nagmamay-ari
Babae ka! Tumindig ka!

Nasaan ka kasama?

-May 21, 2011

Anong nangyari sayo kasama?
Bakit ikaw ay nagkaganyan?
Di ba't pinupuri ka ng iyong ina,
Kahit minsan ay inaalipusta?

Bakit sa masukal ika'y naglalakbay,
Dala-dala ang iyong mga anak?
Sinusubukan mo ba ang iyong kagitingan?
Kahit pasakit ang daratnang kapalaran.

Naubos na ang iyong luha
Sa hapdi ng iyong pag-iisa
Bibitaw ka na ba sa nagliliyab na laban,
Sa tunggaliang niyakap ng iyong mahal?

Iminulat ka ng teribleng panahon
Nagmulat ka rin sa maraming pagkakataon
Sa gitna ng digma ika'y isang rosas
Hindi isang kalapating naghihinagpis.

Nasaan ka na kaya kasama?
Sana ang lagay mo'y mabuti
Prinsipyo'y 'wag sanang iwaksi
Sa wagas ng pusong nakakubli.

Sunday, March 27, 2011

O, Inang Kalikasan (Sa pusod ng Palawan)
March 26, 2011



Pumapailanlang ang tinig ng iyong pagtangis
Ang kaluwalhatian mo ay pilit na dinahas
Hinamak ang iyong kagandahan sa isang kumpas
Niyurakan ang dangal, walang awang winasiwas.

Ang puno mo’y itinumba, batis mo’y dinungisan
Ang magsasaka’y natanggalan ng lupang sakahan
Ang mangingisda’y nataboy sa laot ng kawalan
O, Inang Kalikasan, panganib ay nariyan.

Nagdiwang sa pagkamal ng karampot na salapi
Sinisilaw sa pag-unlad, buhay ay binibili
Kaguluhan sa tunggalian ng iisang lahi
Habang ang nagpapayamang uri ay nakangisi.

Walang habas sa pagbungkal, magiting na minero
Tila di alintana pagdaing ng palawenyo
Ano ang papel ng kagalang-galang na gobyerno?
Ang Inang Kalikasan, tuluyan bang maglalaho?

Kayamanan ng Palawan ay yaman nga ng bansa
Di ng dayuhan at negosyanteng hangad ay kita
Sukdulang inangkin, sa perlas niya’y nagpasasa
O, Inang Kalikasan, sa pusod ng kanyang diwa.

Monday, January 24, 2011

Hanggang Dito Na Lang

Hanggang Dito Na Lang
07.20.2009

Nais kitang kalimutan na
sa hatinggabi ng aking pag-iisa
Ngiti sa aki'y nagpapasaya
tila pasakit ang dala-dala
Pangarap na makasama ka
ngunit ito sayo'y kahibangan, di ba?
Ibabaling na lang sa iba
itong pag-ibig na nadarama
Makita lang kitang maligaya
kahit sa piling ka pa ng iba
Hanggang dito na lang talaga
di na muling aasa pa.