Pagbubuklod
July 1, 2011
20:30
Iisiping pagbubuklod buklurin
Ang pinaghiwa-hiwalay na ideya ng pagkabigo
Na ang katotohanan ay ang kahinaang harapin ang pagamba
Ang takot na hindi na muling makita ang saya.
Iisiping sa pagkawatak-watak, pagbubuklod buklurin
Ang dahilang pagbabangga ng iba’t ibang pananaw
Na ang tunay ay ang pagkakabansot ng tindig at kaalaman
Ang ninakaw na karapatang makita ang totoong kalagayan.
Iisiping susubukin ang lahat ay pagbubuklod buklurin
Ang makita ang kamalian ng bawat isa’y tama
Na saan mang anggulo ng paroo’t parito’y kailangang magkaisa
Ang tao’y hindi lang kami o tayo sapagkat iisa tayo.
Iisiping tamang pagbubuklod buklurin
Ang layu-layong damdaming puno ng emosyon
Na ang bawat pagtibok ng puso’y makikita ang sidhi
Ang pagnanais sa tagumpay na iisang mithi sa kanya kanyang paraan.
Iisiping pagbubuklod buklurin
Ang batabatalyong paksyon ng silakbo ng isipan
Na ang bigat ng dala dala’y paghahatian
Ang tangi munang magagawa’y bigkisin ang prinsipyong dumadaloy sa bawat isa.
No comments:
Post a Comment