Thursday, June 9, 2011

Ang Kapalaran ng Sanggol

-June 6, 2011

Anong kapalaran ng sanggol sa hindi patas na panahon?
Sapat kaya ang pag-aaruga na sa kanya'y nakalaan?
Boses kaya'y naririnig sa tuwina siya'y dumaraing?
Kung kalusugan niya'y nasa bingit, ano kaya ang darating?

Ang kanyang minamahal na ina ay sampu ang iniluwal
Nagsisiksikan pa sa tahanang ga sino na ang pagbuwal
Madalas nga ang sa gutom inaabot nila'y panginginig
Mamamatay nga silang dilat ng wala man lang nakarinig.

Ang kanyang ama'y sa kalsada namumuhay ng may dangal
Basura'y ginagawang pera hindi batid ang pagkapagal
Kakapit sa patalim sa suliraning di kayang sagutin
Walang magawa sa opurtunidad na ang hirap abutin.

Ang binata'y nakabuntis, isang katorse anyos na paslit
Nagmamahalan nga sila na sukatan ng dusa't pasakit
Tatakbo sa kung saan kagyat na maghahanap ng silungan
Aborsyon lang ang kayang paraan ng mura nilang isipan.

Ang dalaga ay si Nene, kahirapan ng buhay ay batid
Katuwang siya ng pamilya sa paghahanap ng pantawid
Sa Club kung sinu-sino na lang ang kaulayaw sa magdamag
Kahit na ang murang katawan parang karneng pinapagpag.

Ang sanggol ay nasa bisig kalong ng nananangis na ina
Walang kamalay-malay maaaring maganap sa kanya
Tila ang gobyerno'y walang plano sa kinabukasan.
Hinahayaang pang maglaho nakalatag na karapatan.

No comments: