Wednesday, December 15, 2010

Taong Pagong

Taong Pagong
12.12.10

Dadaan ang bagyo, lilipas ang tag-init
Nakikipagbuno sa panahong kaylupit
Anong dignidad sa kapalaran gumuhit
Kung kanino, ang dibdib ay puno ng galit.

Minsan ngingiti, madalas nakasimangot
Pa'no'y kalagayan masahol pa sa sakit
parang isang epedemya na walang gamot
Uusad usad lang sa kitang kakarampot.

Ang paglaklakbay ay walang ngang katapusan
Kung saan masumpungan, do'n ang kaharian
Kahabaan ng lansangan tila kawalan
Tila walang nagsisilbing pamahalaan.

Ang kanlungan ay batid na isang kariton
Walang amelyar, walang malaking lupain
Wala ring opurtunidad at kaunlaran
Paano ng nalalabing kinabukasan.

Ang Ama'y taga-timun kung saan hahantong
Si bunso sa bisig ni Inay nakakulong
Kabuhayan ay kanilang sinasalubong
Basurahang sa kanila'y nakakatulong.

Wednesday, December 8, 2010

Pagninilay

Pagninilay
12.07.10

Ang hirap katunggali ng emosyon
Habang ang isang pakiramdam
ay dumudurog sa katikasan
Habang ang hapdi ay naglalaro
sa damdamin
Parang tortyur sa bawat araw
ang kabiguan.

Dumadaloy at nakatatak na
sa isipan
Mas madaling tiisin
ang karamdaman
Mas madaling harapin
ang kamatayan
Kesa parang pulubing
namamalimos ng awa.

Itinakda ng lipunan ang kalagayan
ng mahirap
Itinakda rin ba na ang mayayaman lang
ang may kaginhawaan?
Pinakamaswerte pa rin
ang hindi pa naisisilang
Sapagkat hindi pa nila nararanasan
ang pagkaitan.

Sunday, December 5, 2010

Ang Haba ng Pila sa Lansangan

Ang Haba ng Pila sa Langsangan
12.05.10

Pahaba ng pahaba ang pila sa lansangan
Tila ang pangarap ay walang katapusan
Uusad kung minsan, walang kasiguruhan
Hihinto pagkaraan, maghihintay sa karangyaan.

Tataya sa Lotto, sagot sa kahirapan
Manonood ng sine upang problema'y malimutan
Sa LRT siksikan, walang mapaglagyan
Saan ba ang aking byahe, patungo sa kung saan?

Balde baldeng tubig ang aking bitbit bitbit
Buti pa ang iba, grocery ang dala dala
Nakikipag-unahan sa osya ng simbahan
Mapagbigyan kaya itong aking kahilingan?

Pahaba ng pahaba ang pila sa lansangan
Tila ang unahan ay di ko natatanaw
Buti pa ang ekonomiya, umuusad, umuunlad
E itong kalagayan, anong patutunguhan?

May feeding ang mga bata, sponsor ni Konsehal
May relief sa nasunugan, kay Chairman dumaan
Pa-parti ni Mayor, Pa-birthday ni Congressman
Marami pa ring nagugutom, sa kalye nakabaon.

Si Will nagpa-pogi sa mga lola ng tahanan
Si Bossing nagtawag, pantawid gutom ni Juan
Namamahagi ng swerte, kumikita naman sila ng malaki
Pila-pila lang, makakarating din sa paroroonan.

Ang haba haba ng pila sa lansangan
Tila ang hangganan ay di matagpuan
May kikilos para sa Inang Bayan!
Anong klaseng uri naman ang makikinabang?

Libo-libong botante sa bawat eskwelahan ang nakapila
Libo-libong mamamayan sa bawat ospital ang nakapila
Libo-libong manggagawa sa tanggalan nakapila
Libo-libong maralita sa demolisyon nakapila.