Monday, December 28, 2009
Thursday, December 24, 2009
Huwag Matakot sa Anay
ni anthony barnedo
12.22.09
23:27:50
Paano ka magkakabahay kung takot ka sa anay?
Sa anay na sumisira sa haligi nitong bahay
Bahay na siyang dapat maging kanlungan nitong buhay
Buhay na nahihirapan sa sistemang pumapatay.
Paano ka magkakabahay kung takot ka sa anay?
Sa anay ng lipunan na puro pasarap sa buhay
Kahit nadudusta na ang maralitang walang malay
Pangungulimbat sa sambayanan ang talagang pakay.
Paano ka magkakabahay kung takot ka sa anay?
Huwag hayaang ang anay sa atin ay lumuray
dignidad ay ipaglaban mula sa bakal na kamay
Karapatan sa paninirahan, makamit ng pantay.
(Tulang may labing anim na pantig bawat taludtud.)
Sunday, November 29, 2009
Ingay
ni Anthony Barnedo
11.17.09
19:17:01
Nabibingi ako sa bawat hiyaw na aking naririrnig
Ang ingay ng palakpak ay nanunuot sa 'king tenga
May nagtagumpay at nagkakamal ng salapi
Ngunit sa bayan ay walang nakakarinig
Sigaw ng pagtamasa sa pantay na karapatan
Hindi iilan ang sadyang nakikinabang.
Kumulog at bumuhos ang dambuhalang ulan
Ngitngit ng kalikasan, naghatid ng karahasan
Umugong ang ingay, hinaing ng nag-iingay na dukha
Bida na naman ang nagkakawang gawang mayayaman
Ang may kasalanan, ang pesteng maralita
Na nananahan sa naglilimahid na estero.
Dumadagundong ang ingay sa karera sa kapangyarihan
Nag-uunahan na naman sila sa gintong upuan
Ang pinakamadaling minahan ng yaman ay pag-aagawan
Napakarami ng nga ang nag-iingay
Nakakatulilig na makakata na ang interes ay di sa masa
Magagaling at matatalino ngunit ano ba ang mahihita.
Kundi ingay lang!
Wala nang iba kundi mag-ingay lang!
Saturday, November 28, 2009
NAKAKAKILABOT
Malinaw na pag-aagawan sa kapangyarihan ang dahilan, pag-aagawan sa posisyon kung sino ang manunungkulan sa pagpapatakbo ng gobyerno sa bayang iyon.
Makapangyarihan pamilya ang 'suspek', di ba, makapangyarihan din ang biktima?
Malinaw na ang bayan na kung saan tumabo ng husto ang mga kandidato ng Partido ni Pangulong Macapagal Arroyo nitong nagdaang eleksyon... Malinaw ba na ang kapalit ng solidong suporta sa pinakamataas na pinuno ng bansa ay ang paghahari sa kanyang nasasakupan!
Nagtatanong lang ako kung anong sistema meron ang ating bansa?
Nangangamba kasi ako na sa darating na panahon ay hindi lang sa Maguindanao magyari ang ganuon!
Pa'no kung ang ganoong pangyayari ay danasin ng bansa?
Kung sila'y dating magkasama sa iisang partido at dahil sa hindi pagkakasundo sa takbo ng pulitika ay ayos lang na may magbuwis ng buhay... Pa'no pa ang mga sumisigaw at nagsusulong ng pagbabago na derektang nagpapahayag sa Malakanyang!
Ligtas pa kaya sa ating bansa?
Ligtas pa kaya ang mamamayan, ang mga mamamahayag, ang aktibista!
Nakakakilabot....
Sunday, November 1, 2009
Friday, October 30, 2009
O, Inang Kalikasan (Hagupit ni Ondoy)
ni Anthony Barnedo
Dumating na ang panahon at ang ngitngit ay sumabog
Isang matalim na paghamon buong mundo'y kinabog
Daang buhay ang nagbuwis mula sa bagyong nahubog
Hagupit ni Inang Kalikasan sa pagkakabugbog.
Naggagandahang tahanan, nasa paanan ng bundok
At bahay sa tabi ng ilog na tila marurupok
Sa ragasa nitong mababangis na bahang naghahamok
O, si Inang Kalikasan ay sadyang naghihimutok.
Kinalbong kagubatan basta iniwan pagkaraan
Dinungisang karagatan walang paking pinagmasdan
Umiyak ang langit nakiramay sa karahasan
Pagkayurak sa kapurihan ni Inang Kalikasan.
Marami ang nagdadalamhati sa sakunang naganap
Kapitalista'y nagkaisa biyaya'y lumaganap
E, sila ang pasimuno kaya delubyo'y nalasap
kay Inang kalikasan troso't usok ang nagpahirap.
Kahabaghabag nga itong larawang pinagmamasdan
Hanapin ang may kasalanan, sukdulang parusahan
Pag-uusig ay dumating, sinong biktima sa atin?
Sisihin si Inang Kalikasan, s'yang kanlungan natin.
Tulang may labing anim na pantig bawat taludtod.
Ang tulang ito ay nabuo noong Sept. 28, 2009 habang ang lahat ay nakatutuk sa bawat detalye ng balita sa sinalanta ng bagyong Ondoy.
Relief Pa
ni Anthony Barnedo
Aprol 11, 2009
Ang daming puti.
Ang daming singkit.
Nakakwelyong pari.
Nakabarong si Cong.
May sakang.
May Sekretarya pa.
Dala-dalang relief,
nodles at sardinas.
Saku-sakong bigas,
may balde at kumot pa.
At may nagpakain ng lugaw.
Fiesta sa Barangay.
Nasaan ang Barangay?
Ang daming banig
hollow blocks at tent.
Si Mayor dumating.
konsehal nagpapansin.
Ang daming relief.
Ang daming relief.
Ang daming relief
na nag-expire na kahapon.
Thursday, October 22, 2009
Di Maunawaang Habag
ni Anthony Barnedo
Pebrero 28, 2009
Sa pakikipagtunggalisa pag-abot sa yamang hari
Sa di mabilang na pag-agos ng pawis
Mula sa kalamnan, sa kaibuturan ng katawan
Maitawid lang ang nagmumurang sikmura.
Sa dapit hapon, tila isang sisiglang liwayway
Magwawala, ipagbibili unti-unti ang kaligayahan
Ng aliw, ng ngiti, sa nangingilid na luha
Hayok sa putikangkanyang kinasasadlakan.
Habang ang gabi ay iindayog sa umiirap na kislap
At ang himig ay magsisimulang maging lagim na musika
At ang dakilang Mabini ay magiging saksi ng biktima
Ang biktima ay mula sa sistemang mang-aapi, ng naaapi.
Habang ang hanggang saan na umaasa sa pag-asa
Mananatiling wasak at butas-butas na liwanag
Hanggang ang habag ay hindi maunawaan
Mananatili ang yapaksa dusa at tanikala.
Sa produkto ng kapangyarihan, sa produkto ng kahangalan
Habang ang tiwali ay tiwali, patuloy ang pagsasamantala
Samurang katawan, sa pinagsawaang katawan
Hindi kikilos, hindi kakain, walang diskarte, walang haplos ng kaginhawaan.
At ang damdaming naghahanap ng kasagutan
Sa di maipaliwanag nakakarampot na kaligayahan
Ay aagawin pa, ay sisikilin pa at ang uod ay mula sa lipunan
At ang nabubulok ay yaong nasa kapanyarihan.
"Ang ideya ay mula sa pakikipagkwentuhan sa isang kaibigangnagtratrabaho sa pagbibigay ng aliw bilang 'Macho Dancer'."
Ang Pag-ibig Ko
ni anthony barnedo
4-11-08
San Andres Bukid, Manila
Saang bayan ng panahon ko hahanapin
At kung saan dako ng pag-ibig iisipin
Sa pag-aalay ko sayo ng aking buhay
Na isang hinagpis kung sa aki'y mawawalay
Damhin mo ang aking pag-ibig na dakila
Kahit di sapat akin to'y ikatutuwa
Kahit na itong nadarama'y di tanggapin
Mawari mo lang na ito'y wagas sa akin.
ni Anthony Barnedo
4-13-0810:30:08
Pili Ilawod, Bacacay, Albay
Papalaot sa kadiliman ng hatinggabi
Ang daladala'y sagwan at lambat na hinabi
Dadaladalangin, sana'y dumami ang huli
Nang maibsan ang gutom, bigas ay makabili.
Kasama si "aki" at kaisa-isang bangka
Baliwalain ang lamig para lang sa isda
Kikilos, para sa pagsikat nitong umaga
Ngumiti ang pamilya, makamtan ang pag-asa.
Ngunit sa pag-aasam ay may bumabalakid
Karagata'y sinakop ng makataong huwad
Pag-asa'y binigay sa iilang naghahangad
Kahit ang karagata'y pinagtitilad- tilad.
Doon sa pusod ng dagat ay wala na ngang puwang
Sapagkat komersyal na bangka ang nakasalang
Nagtitiis na nga lamang ng latak sa pampang
Minsan palaisdaan pa ang nakikinabang.
Ang iba nama'y sa dinamita umaasa
walang paki sa panganib basta magka-kwarta
Si Inang Kalikasan sadyang kaawa-awa
Ang saksi'y buwan lamang sa kanyang pagkasira.
*Ang "Sa-rap" ay katawagan ng mga Bakayano sa pangingisda sa pampangng dagat.
Wednesday, October 21, 2009
O, Inang Kalikasan
O, Inang Kalikasan
-Anthony Barnedo
Jan. 6, 2008
Ninais kong umakyat ng isang mataas na bundok
Umiiwas sa nakakaasiwang maitim na usok
Manatili sa paraiso't punan ang pagkasabik
Sa Inang Kalikasan na maaaring makahalik.
Ako'y tutungo sa isang napakadilim na daan
Lilisanin ang naghihikahos at mahal kong bayan
Maglalakbay para sa hinahangad kong katuparan
Marating ang magandang pisngi ni Inang Kalikasan.
At nakita ko ang liwanag sa isang hatinggabi
Tila alitaptap sa kabundukan ay humahabi
kamangha-mangha pagsalubong, ito'y di ko mawari
O, Inang Kalikasan, Paano nga ba ito nangyari?
Ako ay di mapangiti sa pagsapit ng liwanag
Itong aking natatanaw ay sadyang kahabag-habag
At sa gitna ng kabundukan, 'tong puso'y nabagabag
O, Inang Kalikasan, Ito ba ang iyong tugatog?
Kasuklam suklam na larawan itong pinagmamasdan
Ganito na ba ang tao sa kanyang sarili bayan
Naglalakihang istraktura't sangkaterbang tahanan
Nasaan na ang kagubatan, O, Inang Kalikasan.
(Sinumulan ko ang kathang ito sa pangalawang gabi namin sa Baguio...
pagkatapos naming gumawa ng magagandang bagay sa aming mga kasama.
Tinapos ko ang ilang letra sa aking magulong kuwarto.)
Buhay ni Len-len
ni anthony barnedo
March 25, 2008
sa opisina ng KPML
ang hirap maging mahirap
kung sa katulad ni len len nakaatang ang lahat sa buhay
kumakayod, umaasa sa kakarampot na kita
kakarampot na tumataguyod sa kanyang pamilya
pamilya, mula sa pamangkin hanggang sa kanyang lola
sa pamilya ng kasama, sa iba, sa masa
sa kuryente, tubig, upa sa bahay, saan hahanapin ang pera,
kung titilad tilarin sa malalaking bayarin ang kakarampot na kita
ang hirap maging mahirap
kung sa katulad ni len len ang mundo ay problema
naglalakad sa kalsada ng walang pera, sumisigaw
nakikipagbuno sa hampas ng kapalaran
kapalaran ba ang maging dukha
ang maging isang manggagawa, para sa iba
para ba sa bayan at kapitalista
wala nang natira,puro na lang sa kanila
ang hirap maging mahirap
kung sa katulad ni len len ay hirap ang pag-asa
sige lang ang taas ng ekonomiya, maunlad
ang lamesa`y walang laman,gutom
gutom na nilikha ng sistema
sistemang inabuso ng naghaharing uri, buwaya
buwayang iniluklok ng lagim na makinarya
makinarya na siyang nagiging sistema
mahirap maging mahirap
kung sa katulad ni len len na umiibig sa bayan
nakikibaka, nagsusulong, naghahangad
nang pagbabago ng sistema….
nang pagbabago ng sistema…
Sa Panaginip Lang Pala
ni Anthony P. Barnedo
Marso-Hunyo 2008
Tatakbo ako. Lalangoy ako. Maglalaro ako. Magpapakasaya ako. Magsasaya ako…
…hangang mamaya maya, biglang dumilim ang kapaligiran ko.
Nakabaluktot ako sa isang maiksing kumot. Ramdam ko nga ang lamig ng hangin na nagmumula sa karagatang malapit sa aming barung-barong. Hanggang mamaya maya pa’t naramdaman kong bumangon ang aking ina. Nilamon ng liwanag ng gasera ang kadiliman ng aming tahanan. Mamaya maya pa’t namatay ang liwanag dahil sa lakas ng hangin. Mamaya maya ulit ay lumiwanag na naman sa isang kiskis lang ng posporo. Didilim muli. Liliwanag. Nagpatay sindi. Hanggang sa wakas ay makahanap ang aking inang si Alona ng panangga sa malakas na hangin.
Nanatili akong nakahiga sa isang sulok ng aming barung-barong. Hindi ako kumikilos ngunit buhay na buhay ang aking diwa. Tantiya ko’y malayo pa ang umaga. Hindi ko pa kailangan ang bumangon. Hindi pa kailangan ang kumilos ng aking katawan upang maghanap ng mapag-kakaperahan.
Maya maya pa’y naramdaman ko ang isang malakas na hangin. Muling namatay ang apoy sa nag-iisa naming gasera. Naramdaman kong may bumangon. At muling lumiwanag ang loob ng aming barung-barong.
Gising na pala ang aking kuya Jernald. “Nay, anong oras na kaya?” habang naghihikab pa itong nagtatanong sa aming ina.
“Alas dos na siguro.” sagot ni nanay.
“Nay, ang lakas ng hangin ‘no?” sumilip pa si kuya sa awang ng pinto ng aming barung-barong. “Nay, mukhang uulan pa ‘ata.” Sabi pa ni kuya.
“Mukha ngang may bagyo. At kapag lumakas ang hangin at ulan, lilipat tayo sa kapilya para magpalipas ng magdamag.”
“Bakit po ‘nay?”
“Delikado dito, kung may bagyo talaga.”
Nanatili pa rin akong nakahiga. Ito kaya ang pinaka-gusto ko sa buong araw. Pagkatapos ng maghapong pagkabilad sa araw, wala ng iba pang gugustuhin ko kundi ilapat ang aking likod sa sahig na kawayan at ipikit ang aking mga mata.
Ngunit kahit anong pilit na pagpikit ang aking gawin ay ginugulo ito ng ingay ng unti-unting papalakas na ulan.
May bagyo nga siguro. Ngunit ayokong isipin. Ayoko, kasi mas gusto kong isipin ang pagdating ng trak ng basura na malapit sa pabahay ng Habitat. Gusto ko roong mamalagi kesa mamulot ng kakarampot na sibak sa tabi ng dagat.
Lumalakas nga ang ulan. Ngunit ayoko pa ring isipin na may bagyo. Ayoko, kasi mas gusto ko pang isipin kung ilang kilo ng bakal ang aking masisisid doon sa ilog na papalabas ng Manila bay sa tabi ng pier.
Ayokong isipin ang bagyo kasi mas gusto ko pang isipin ang aking panaginip. Walang nagugutom, walang pangit, walang marumi, lahat naaayon sa gusto ko.
Maya maya pa’t tila humina ang ulan ngunit ang hangin ay patuloy na lumalakas. May bagyo nga. “E, ano naman ngayon?” naibulalas ng pag-iisip ko.
Matibay kaya ang aming barung-barong. Gawa kaya ito ng aking yumaong ama. Ang aming ama na namatay sa karagatan. Ang aming ama ay pinatay dahil daw sa agawan ng pasahero sa bangka. Mga babaeng menor de edad daw ayon kay ka Jojo, na kaibigang matalik ng aming amang si Angelo. Silang mga pasaherong nagbibigay aliw sa mga tripulante ng nakadaong na barko, malapit sa aming pampang.
Hindi mabubuwal ang aming barung-barong dahil itinayo ito ng aming ama ng buong puso. Pagmamahal na ipinamana niya sa amin sa kanyang pagyao. Kaya ayokong isipin ang bagyo dahil mas gusto kong isipin ang alaala ng aming ama. Ang masayang alaala na sa panaginip ko na lang kayang balikbalikan.
Nakaramdam ako ng galit. Biglang tumulo ang aking luha. Nanikip ang dibdib ko. Hayop ang pumaslang sa aming ama! Ni hindi man lang naparusahan ang hayop na iyon.
Biglang bumuhos ang isang napakalakas na ulan. Napakalas. Napaka-ingay ng lagaslas ng ulan sa aming bubungan. Biglang humiyaw ang kulog kasabay ng pagliwanag ng kidlat. Kinabahan ako. Kakaibang kaba. Tumawag ang aking ina. “Diyos ko po, ‘wag po
Hindi pa
Walang kaabug-abog na lumabas ang aming ina sa aming barung-barong. Kahit malakas ang ulan at hangin ay susuungin namin. Sumunod ang kuya Jernald na may pinakamaraming daladala sa aming tatlo.
Bago ako lumabas ay inabot ko muna ang aking pangkawit ng basura sa bandang itaas ng pinto ng aming barung-barong. Hindi ko pwedeng iwanan ang bagay na iyon, iyon ang aking buhay, iyon ang nagsasalba para makatawid kami sa kahit sa sandaling kaginhawaan.
Nagulantang ako sa aking nasaksihan. Napakadilim ng kalangitan. At kahit napakalakas ng ulan ay tanaw ko ang naglalakihang alon sa karagatan. Sadyang galit na galit ang panahon.
Biglang umalingawngaw ang kulog, kasabay niyon ay ang nagliliwanag na kidlat. Sunod-sunod. At ang liwanag na iyon ang naging gabay ko para masundan ko ang aking kuya jernald.
Nakakailang hakbang pa lang kami ay basang basa na kami sa ulan. Sobrang lamig ng pakiramdam ko. Ngunit di ko pansin iyon, mas kailangan kong makasunod sa aking kuya at nanay Alona. Hanggang biglang pumalo sa aking ang isang malakas na hangin. Muntik na akong mabuwal pero napaglabanan ko ang hangin na iyon.
Ilang sandali pa ay natanaw ko na ang daan patungo ng kapilya. Bago pa man ako nagpatuloy sa paglalakad ay nilingon ko muna ang direksyon ng aming barung-barong. Nakita kong may nililipad na yero, animo’y nakikipag-sayaw ito sa ulan habang hinahangin.
Nang makarating na kami sa maliit na kapilya ay bumungad sa amin ang nagsisiksikang mga tao. Mga kapitbahay namin. Mga matatandang nanginginig sa ginaw. Mga batang katulad ko.
Nagpatuloy ang malakas na ulan. Ang malakas na hangin ay dumadampi sa aking balat. Doble ang nararamdaman kong ginaw. Ginaw na sumusuot sa aking kaibuturan. Nakabaluktot ako sa pagkakasalampak ko sa sahig ng kapilya. Nakaupo sa tabi ko ang aking Ina, gayun din ang aking kuya Jernald.
Sadyang napakaingay ng magdamag. Sa lagaslas ng tubig. Sa hampas ng hangin. Sa nagbabanggaang alon. Sa kalampag ng yero. Sa alingawngaw ng kulog. Sa nagkakahulang aso. Sa atungal ng kapitbahay naming sanggol.
Nakaramdam ako ng pagkapagod. Nabalisa ako sa bigla kong pag-iisip ng aming kalagayan. Ganito ba talaga kami? Bakit ganito kami?
Naisip ko. Kelan ba ang huling tungtung ko sa eskwelahan? Noong ako’y grade one… ah… grade two… Sadyang napakabata ko pa para makalimutan ko iyon. Basta ang alam ko, natuto akong magbasa ng abakada at, isulat ang buong pangalan ko at buong pangalan ng mga kapamilya ko.
Biglang naalala ko ang telebisyon ng magarang Baranggay ng aming lugar, at ng minsang makapasok ako doon ng walang nakakapansin. Nakakaaliw kasi naglalakihang gusali at magagandang bahay ang aking napapanood. Kahit hindi ko naiintindihan ang lenggwaheng Inglis at kumukulo na ang aking kalamnan sa gutom ay nabusog naman ang aking diwa at mga mata sa aking napanood.
Habang ang aming bahay ay dinidimolis ng kalikasan.
At maya-maya pa, pipikit na ang aking mata. Hanggang tuluyan ng agawin ng aking diwa ng pagod at antok.
Hanggang biglang lumiwanag.
Naghahalakhakan ang mga batang katulad ko.
Napakalinis ng paligid.Napakapayapa.
Tanaw ko ang dulo ng karagatan. Ang ganda ng bahaghari. Ang balangkas ng ulap. Ramdam ko ang simhayo ng hangin. Ang asul na tubig. Ang puting buhangin. Napakalamig sa mata, ang ganda ng kalikasan.
Hanggang ang init ay tumama sa aking balat. Naalimpungatan ako. Iilan na lang kaming nasa loob ng kapilya. Bumangon ako at binaybay ko ang patungo sa baybay ng dagat.
Hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot. Napakarami ng kalakal na makukuha ko. “Tiba-tiba!” naibulalas ko. Ngunit kung ito’y aking ikatutuwa, paano na ang mga bahay na giniba ng malakas na hangin.
Paano na nga ba ang aming bahay?
Habang papalapit ako sa direksyon ng aming bahay ay nadaanan ko ang pinsalang dulot ng nagdaang bagyo. Di ko mabilang kung ilang bahay ang nasira. Ang hirap bilangin kung ilang pamilya ang nawalan ng tirahan.
Maya-maya pa’y umpukan doon, malapit sa kinatitirikan ng aming bahay.Kaya pala’y may kamera. Aliw na aliw sila sa gwapong reporter ng T.V. Patrol.
May media. Kaya pala’y may anak ng mayor. Nakikidalamhati sa biktima ng sakuna. May dalang ilang supot ng grocery, pagkaing para sa aming nasalanta.
“Thank you po.” banat ng isang aling tuwang-tuwa sa biyayang natanggap.
“Sana araw-araw ganito!” sambit ng binatang nakipagsingitan sa pila.
Lumapit ako kay nanay Alona. Nasa tapat na ako ng nawasak na bahay namin. Ang tubig sa dagat ay ilang dipa na lang ang layo sa aming bahay.
”Dapat na talaga tayong lumipat ng bahay.” si nanay.
“Bakit po inay?” tanong ko.
“kasi…” sumulpot si kuya Jernald sa bandang likuran ko. “…kapag nag-high tide, sigurado aabutin ang bahay natin.”
“Tama.” si ka Jojo na kaibigang matalik ni tatay. “Tulungan mo ang kuya mong maghakot ng mga gamit ninyo, doon nyo dalhin sa bandang likuran ng kabahayan.
“Salamat Jojo.” garalgal ang boses ng aking ina. “Isa ka talagang tunay na kaibigan.”
“Wala namang ibang tutulung sa inyo dito. Malayo pa ang eleksyon, hindi pa tayo kilala ng mga pulitiko.”
Hindi ko maintindihan ang pinag-uusapan ni ka Jojo at ng aking nanay Alona. Basta ang alam ko hindi lang unang beses nangyaring lumipat kami ng aming tirahan. Tanaw ko pa nga ang poste ng huli naming bahay, ngayon ay lilipat na naman kami.
Hindi ko nga alam ang pinag-uusapan nila dahil ang alam ko ay ginagamit lang daw kaming mga taga dito sa tuwing darating ang eleksyon. Kapalit ng grocery, pangakong aayusin ang aming kalagayan at limang daang pisong nakasobre, na minsan ay sikwenta pesos lang ang laman.
Nagmamadali akong maghakot ng mga gamit. mga kahoy at yerong mapapakinabangan pa. Nagmamadali ako dahil sigurado maraming basurang mapapakinabangan pa sa tabi ng dagat.
At hindi nga ako nagkamali.
Pagkatapos kong tumulong kay kuya Jernald ay dumiretso na ako sa tabing dagat. Sandaling oras lang ay napuno agad ng plastik, sibak ang isang sakong dala ko.
Hanggang matanaw ko ang gwapong reporter. Ang kamera ay pilit akong hinahabol. Ang reporter ay nagmamadaling lumapit sa akin, bitbit ang mikropono para kausapin ako.
Napangiti ako ng maalala ko nitong nakaraanng bago magpasko. Sa tabi ng dagat, malapit sa pier habang kinakausap kami ng taga-emergency. Katatapos ko lang sumisid noon. napakaswerte ko ng araw na iyon. Bukod sa dami ng bakal na nasisid ko ay nagkaroon pa ako ng ‘sang supot ng grocery at ‘sang libong piso mula sa reporter ng na kumausap sa akin.
Ibinaba ko ang pasan pasan kong ‘sang sakong kalakal. Sanay na ‘ata ako sa pagharap sa kamera. Sanay na rin akong bulahin ng mga taong gustong alamin kung paano ako nabubuhay. Sanay sa pangako nilang tutulungan kami para maalis sa ganitong kalagayan.
Naging mahaba ang usapan namin ng gwapong reporter. Alam na alam ko ang isasagot ko, gayon din kaya ang naging takbo ng usapan namin nila Jessica Suho at Karen Davila.
At natapos na ang pagharap ko sa kamera. Katulad ng inaasahan ko ay binigyan ako ng isang plastic ng grocery at limang daang piso.
Palubog na ang araw. Naibigay ko na kay nanay Alona ang perang ibinigay sa akin ng repoter at napagbentahan ko ng aking kalakal.
Tuwang-tuwa si nanay Alona. Tamang-tama daw iyon sa pagtatayo ng aming bagong tirahan. Tuwang-tuwa rin ako dahil sa perang iyon ay natuwa ang aking nanay.
At sa paglubog nga ng araw ay nakita ko kung gaano kagandang pagmasdan ang itsura nito. Bigla akong nalungkot at nadurog ang aking puso. Naalala ko ang itinanong ng reporter.
“Sa tingin mo ba ay mararanasan mo pa ang masaganang buhay? Ang magkaroon ng malinis na karagatan… Mabangong hangin…”
Napahiga ako sa buhangin.
Bahagyang tumulo ang aking luha sa aking mata.
Ipinikit ko ang mga mata ko.
Alam ko sa aking panaginip, mararanasan ko ang lahat ng iyon.
Sa paglulunsad ng CRP-KPML ng Participatory Action Research (PAR) noong Setyembre,2007. Nabuo ang kwentong ito base sa karanasan ng mga batang manggagawa na nakatira sa Baseco, Port Area,