"Sa-rap*"
ni Anthony Barnedo
4-13-0810:30:08
Pili Ilawod, Bacacay, Albay
Papalaot sa kadiliman ng hatinggabi
Ang daladala'y sagwan at lambat na hinabi
Dadaladalangin, sana'y dumami ang huli
Nang maibsan ang gutom, bigas ay makabili.
Kasama si "aki" at kaisa-isang bangka
Baliwalain ang lamig para lang sa isda
Kikilos, para sa pagsikat nitong umaga
Ngumiti ang pamilya, makamtan ang pag-asa.
Ngunit sa pag-aasam ay may bumabalakid
Karagata'y sinakop ng makataong huwad
Pag-asa'y binigay sa iilang naghahangad
Kahit ang karagata'y pinagtitilad- tilad.
Doon sa pusod ng dagat ay wala na ngang puwang
Sapagkat komersyal na bangka ang nakasalang
Nagtitiis na nga lamang ng latak sa pampang
Minsan palaisdaan pa ang nakikinabang.
Ang iba nama'y sa dinamita umaasa
walang paki sa panganib basta magka-kwarta
Si Inang Kalikasan sadyang kaawa-awa
Ang saksi'y buwan lamang sa kanyang pagkasira.
*Ang "Sa-rap" ay katawagan ng mga Bakayano sa pangingisda sa pampangng dagat.
No comments:
Post a Comment