SAYANG ANG RELIEF
ni Anthony Barnedo
Anim na buwan matapos masunugan ang kanilang lugar, bakas pa rin ang isang gabing bangungot na dumaan sa kanyang buhay at sa buhay ng mga kapitbahay niya. Anim na buwan ang lumipas ngunit di pa rin maalis sa isip ni Dencio ang halos apat na oras na pagtupok ng apoy sa kabahayan ng kanilang lugar.
Halos tapos na ang itinayo nilang bahay. Pagkatapos ng sunog, tulad ng mahigit isang daang pamilya na nasunugan na unti-unti na ring nakakapagpatayo ng istruktura ng kanilang bahay malibas sa iilang pamilya na halos wala talagang perang pantustos para sa pagpapagawa ng bahay.
Gayunpaman, balisa pa rin siya, di niya mawari kung paano makakaalpas sa ganitong klaseng trahedya. Siya lang ang inaasahan ng pamilya niya. Maliit pa ang apat niyang mga anak, wala namang trabaho ang asawa niya na maaari niya sanang makatulong sa paghahanapbuhay. Magkakasya ba ang sahod niya sa kumpanyang kanyang pinapasukan samantalang tatlong daan at limampung piso lang ang kanyang gana. Bukod sa mababang sahod ay apat na araw sa isang linggo ang kanyang pasok. Ang paliwanag ng kumpanya ay naapektuhan ng resesyon sa ibang bansa ang kanilang ini-export na produkto.
Halos tumulo na ang kanyang luha sa pagninilay-nilay ng mga problema na dumarating sa kanyang buhay. Iniisip pa rin niya ang sunog, ang kinabukasan ng kanyang mga anak, ang maysakit niyang ina, ang nagbabadyang pagdausdos ng ekonomya at magiging epekto nito sa kanyang trabaho, ang kinatitirikan ng kanilang bahay. Ang kanilang bahay ay minana niya sa kanyang mga magulang. Nangangamba siya na gamitin na ng may-ari ang lupa na kinatitirikan ng bahay nila.
Maya-maya pa'y may naulinigan siyang ingay sa labas ng kanilang bahay. Nasa ikalawang palapag siya. Sumilip siya sa bintana upang alamin kung saan nagmumula ang ingay. Napansin niya ang isang tanod na pinagkukumpulan ng kanilang mga kapitbahay. Nabosesan niya ang kanyang pinsan na isa sa nakapaikot sa tanod.
"Para saan po iyan?" usisa nito.
"Mamimigay ang barangay ng gocery at bigas sa lahat ng nasunugan," mabilis na sagot ng tanod.
"A, hindi pa pala tapos ang relief," sabi ng isang ginang.
"Ganon na nga po," ang tanod muli. "At malamang po, hanggang sa susunod na taon bago mag-eleksyon ang mga biyayang ito."
"A... kaya pala, galing sa pulitiko," ang pinsan niyang si Noel. "Salamat naman at naalala nila ang lugar na ito."
Natatawa siya sa ganoong usapan. Maalala lang ba ang kanilang lugar kapag may trahedyang nangyari. Naibulalas niya. "Kung hindi pa nasunugan! Hindi naman namin kailangan ang relief goods!"
Sa ganoong tagpo habang pababa siya ng hagdan mula sa itaas na bahagi ng kanilang bahay ay siya namang pagpasok ng kanilang pinsan mula sa labas ng bahay.
"O, sino ang kausap mo diyan?" nakangiting tanong nito.
"Sino ang kakausapin ko?" seryosong tugon niya.
"Tsk. Tsk. Tsk." Naiiling ang kanyang pinsan. "Easy, maaga kang tatanda niyan."
Bahagya siyang napangiti. Naisip niya na napahiya siya kung bakit ganuon ang pagtanggap niya sa naunang tanong ng pinsan. Siguro nga'y masyado niyang iniisip ang mga problema.
"Eto ang tiket nyo mula sa barangay. Mamimigay daw bukas ng alas-otso ng umaga." Ang tiket na inabot sa kanya ng kanyang pinsan ang magsisilbing stub para sa mga grocery at bigas na ipamimigay sa mga nasunugan.
Pinagmasdan muna niya ang stub bago magsalita. "Kailangan pa ba natin 'to?" Ang kanyang tanong ay tumutukoy sa relief na ipamimigay ng barangay.
"Hindi mo kailangan?" patanong na sagot ng pinsan niya.
"Ang ibig kong sabihin ay kung mas kailangan ba natin ang mga tulong na 'yan o mas may higit na kailangan pa tayo," paglilinaw niya.
"Lahat ng tao ay mas may higit na pangangailangan. Kung ito ay hindi natin paghihirapan o pagtatrabahuhan ay walang magbibigay sa atin nito. Kahit gobyerno, di kayang ibigay ang iyong pangangailangan," ani Noel.
"Ang ibig sabihin ay kung anong merong kakayahan kang kumita ay hanggang doon na lang."
"Ang ibig kong sabihin ay kung tamad ka ay hindi ka mabubuhay," madiin ang pagkakabigkas ni Noel sa salitang "tamad".
Natawa siya sa tinuran ng pinsan. Inisip niya kung ilan ang tamad sa Pilipinas at ang dami ng di umuusad ang buhay. Makikita nga ang iskwater sa lahat ng estero ng Paco. Ibig sabihin, tamad sila. Dumarami ang "side car boy" na nagtitiyaga sa sampung pisong pasahe ng bawat biyahe ng pasahero. Ilan ngang kapitbahay nila ay kumikita lang ng seventy pesos sa maghapong pamamasada. Tama ba 'yan? Ano ba ang sukatan ng pagiging masipag para makamit ang sapat na pangangailangan?"
"Tatawa-tawa ka diyan. Sayang ang relief goods, sabay na tayong kumuha bukas ng umaga." Tinapik nito ang kanyang balikat hudyat ng pagpapaalam nito palabas ng bahay.
"Sandali lang," pigil niya kay Noel, "Buksan mo muna iyang kulay asul na balde," utos niya bago pa man makalabas ito ng bahay.
"Bakit?" nagtatakang tanong nito na naibaling ang mata sa tinukoy ni Dencio.
"Basta buksan mo lang," aniya.
Binuksan ni Noel ang isang malaking balde. Halos puno ito ng bigas.
"Sa kabilang kahon na katabi ng balde na 'yan ay puro instant noodles ang laman. Tapos, sa maliit na balde na pinagpatungan ng kahon na iyan ay puro delata ang laman. May sardinas, corned beef at pork 'n beans."
"Ibig sabihin, hindi mo na kailangan ang relief," ito naman ang tatawa-tawa. " Hanggang saan aabot ang mga iyan?"
Bago magsalita si Dencio ay may inilabas ito sa bag na kinuha niya sa pagkakasabit sa dingding ng bahay. "Pagmasdan mo itong isang box ng vitamins. Mula ito sa isang multinational foundation."
"Multinational foundation," napahalakhak si Noel.
"Isang foundation na pag-aari ng isang multinational na businessman," natatawa rin siya.
"O, ano naman ang istorya sa likod ng vitamins na 'yan."
"Natatandaan mo ba ang signature line nito sa commercial ads sa TV?"
"A, bawal magkasakit!"
"Isang daan ang lamang vitamins ng box na ito. Ibinigay ito two months ago. Dalawang buwan ay may sixty days. E, di may matitira pang thirty-nine capsules ng vitamins kung araw-araw kong iniinom ang mga vitamins na ito."
"O, ano naman ang punto de bista mo?"
"Ngayon, tingnan mo ang label ng vitamins." Iniabot niya ang isang banig ng vitamins sa kanyang pinsan. "Twenty-three days na lang, expire na ang vitamins na iyan."
"Mage-expire na nga ito." Kagyat na natigilan si Noel.
"HIndi lang 'yan, lahat ng noodles at delata ay malapit na ring mag-expire."
Inusisa rin ni Noel ang mga delata at noodles. Iiling-iling ito sa natuklasan. "Ipapakain nila ito sa atin?" ang reaksyong iyon ang hudyat sa pagkakaintindi nito sa nais ipahiwatig ni Dencio.
"Maaaring ang mga iyan ay sobrang produkto ng mga kumpanya na hindi na nabibili sa merkado. Napakasakit isipin na saka lang ipamimigay sa atin bilang tulong kung kelan hindi na nila pakikinabangan. Paano kung walang nangyaring sunog? Saan kaya mapupunta ang mga produktong iyan?" Ang mga bagay na iyon ang madalas naglalaro sa isipan ni Dencio. Talaga nga bang nalugi ang karamihang kumpanya dahil sa recession na naganap sa Amerika. Napakalaki ng epekto nito sa kanyang pamilya.
"Sayang ang mga ito kung itatapon lang natin ito sa bandang huli."
"Mas kailangan ba natin ang relief o mas may iba pa tayong kailangan?" tanong niya sa pinsan.
"Sa tingin ko, maraming problema ang talagang di nabibigyan ng pansin ng gobyerno natin," seryosong sabi ni Noel. "Siguro nga hindi natin kailangan ang relief... mas kailangan natin ang agarang solusyon sa lumalalang problema ng kahirapan."
Kinabukasan, mahaba ang pila sa tapat ng barangay. Nakamikropono ang kapitana. Nagsilbi siyang emcee sa maikling programa bago ipamigay ang relief.
Hanggang may dumating na convoy ng mga sasakyan. Makikilala agad kung sino ang dumating, paano'y naka-imprenta sa gilid ng isang van ang pangalan ng isang konsehal.
Pagkatapos ng maikling programa at pagsasalita ng nangangakong konsehal ay ipinamahagi na ang mga relief goods sa mga pamilyang biktima ng sunog.
Sa kahabaan ng pila ay naroon ang magpinsang Dencio at Noel. Sa napakainit na sinag ng araw ay nagsisiksikan ang mga tao sa pagkuha ng munting biyaya mula sa konsehal.
"E, ano kung nagsisiksikan at mainit." katwiran ng isang ale.
"Sayang ang relief... eh dito lang naman namin sila napapakinabangan." katwiran naman ng isang ginoo.
No comments:
Post a Comment