Sunday, July 22, 2012

Kalayaan?

Kalayaan Hulyo 12, 2013 19:00
 Gugunitain ko itong naganap na kalayaan
 Ang magandang sinasabi ng libro sa paaralan
Silang matatapang na bayaning nakipagpatayan
 sa manga kastilang nang-api sa bayang sinilangan.

 Gugunitain ko ba itong araw ng kalayaan?
Gayong isang daang taong mahigit na ang nagdaan
 Ikatutuwa ko bang ibandila ang kasaysayan,
 Nang Heneral na bayani raw ng ating bayan?

 Tayo'y malaya nga pagsapit ng araw ng halalan
 Malaya tayong pipili ng magtitimon sa bayan
Malaya tayong pumili ng pabrika't pagawaan
Sumahod ng katiting, umasa ng kaginhawaan.

 Milyung-milyon na ang nakaranas ng kagutuman
 Manga kabataang di nakatungtong ng paaralan
 Libu-libong maralita ang inalisan ng tirahan
 Libu-libong Manggagawang tinanggal ang kabuhayan.

 Gugunitain ko ang katotohanan ng kalayaan
Ang pagkagahaman ng iilan sa kapangyarihan
Huwad na kalayaan na nakasuso sa dayuhan
Kapitalistang pinaglalaruan ang kalayaan.