Wednesday, April 25, 2012
MABUTI NA NGA ANG GAN’TO?
MABUTI NA NGA ANG GAN’TO?
Tagagtak ang pawis ni Raymond habang nagbaba siya ng kanilang mga gamit sa truck ng NHA. Wala siyang sinasayang na oras, ganun din ang mga kasabay niyang kapitbahay na piniling tanggapin ang alok ng pamahalaan kesa manatili sa squatter area. Masakit man sa kalooban ay pinili niyang lisanin ang lugar na kanyang kinalakhan. Iniisip niyang walang mangyayari kung makikipagtigasan siya katulad ng mga kalugar niya na ginigiit pa na manatili sa lupang di naman nila pag-aari. Hanggang ngayon hinahanapan niya ng paliwanag ang karapatang bukang bibig ng mga namumunong opisyales ng oraganisasyong itinayo sa iniwan niyang lugar. “Mabuti nang ganito magkakaroon kami ng sariling bahay kahit malayo sa nakasanayan kong lugar.” Sabi niya sa kanyang sarili.
“Pare, mukhang mahihirapan tayo sa lugar na ‘to…” si Erwin na tagagtak din ang pawis. “…parang ang layo ng lahat ng bagay.”
“Makakapag-adjust din tayo, sa umpisa lang siguro ‘to” aniya.
“Sana nga. Ang dami pa nating dapat gawin, kailangan ko pa ngang asikasuhin ang pag-transper sa tatlong anak ko.”
Biglang pumasok ang samu’t saring suliranin sa isip niya. “Marami pang dapat gawin at asikasuhin.” Parang ang dami niyang nakaligtaan. “Marami pang dapat gawin at asikasuhin?”
Nagbalik tanaw siya sa mga nagdaang araw. Mula sa isang pangkalahatang pagpupulong na inorganisa ng lokal na pamahalaan at ng National Housing Authority at iba pang ahensya ng gobyerno na hindi na niya maalala kung anu anong ahensya pa iyon. Wala siyang ibang inisip kundi kapakanan ng pamilya niya. Maganda naman ang mga nakahilerang litrato na inilatag ng NHA. Iba’t ibang klase ng porma ng bahay mula sa iba’t ibang lugar kung saan may proyekto ang pamahalaan para sa mga maralitang nanahan sa mga danger areas at mga lupa ng gobyerno na gagamitin para tayuan ng mga pasilidad para sa ikauunlad ng bayan. Pinagnilay-nilayan niya ang desisyon niya. Tama na tanggapin niya ang alok ng pamahalaan kapalit ang lisanin niya ang kaniyang tirahan na minana pa niya sa kanyang magulang upang bigyan daan ang “road widening” para naman ito sa ikauunlad ng bayan. Tama na tanggapin niya ang tatlumpung metro kuwadrado na lupa’t bahay mula sa malayong lugar, nakasisiguro naman siya na magiging sarili na niya ito at magiging panatag ang kaniyang kalooban sa banta ng marahas na demolisyon na ginagawa ng pamahalaan sa mga nagmamatigas na mamamayan na huwag lisanin ang tirahang nakatirik sa lupang hindi naman nila pagmamay-ari.
Nagbabalik tanaw siya sa magagandang pangako ng pamahalaan, magandang buhay sa bagong tahanang aangkinin niya at ng kanyang pamilya. Twenty five years to pay. Lupa’t bahay na matagal na niyang pinangarap. Sa isang iglap ay matutupad na niya ang kanyang pangarap. Salamat sa pamahalaan, salamat sa opurtunindad na ibinigay sa kanyang pamilya na maranasan ang maalwan na buhay. Mararanasan na rin ng kanyang pamilya ang isang maalwan na buhay. Iniisip pa rin niya na ni sa hinagap ng kanyang buhay ay malabong magkaroon siya ng sariling bahay. Sa sahod niya sa pabrika ng syoktong na kanyang pinapasukan ay malabong makabili siya ng ganung klaseng lupa’t bahay. Kahit sabihin pang minimum ang kanyang sinasahod, gastos sa bahay at sa pag-aaral lang ng kanyang anak ay hindi na magkasya, bayarin pa sa kuryente at tubig. At least kahit madadagdagan ang bayarin niya buwan buwan ay mayroon naman siyang masasabing sariling tahanan. Tahanan na maitututring nilang santuwaryo ng kanyang pamilya.
Kasama niya ang asawa’t mga anak niya habang pinagmamasdan ang kanilang bagong tahanan. Sa umpisa, masasabi niyang marami pang kulang, marami pang dapat gawin. Sakto naman ang laki ng bahay para sa kanyang pamilya. May isang kwarto at ang katapat na dibisyon nito ay ang maliit na kusina. Hindi naman maituturing na kaliitan ang sala at sa likod bahay ay sakto lang na labahan.
Habang nag-aayos sila ng kanilang mga gamit, maraming bagay ang gumugulo sa isip niya. “Gaano nga ba kalayo ang Tondo?” biglang naitanong nito sa misis niya ang lugar kung saan siya naghahanapbuhay.
“ O, bakit sa akin mo tinatanong ‘yan? Ikaw naman ang may gusto na dito na tayo.” kahit nakangiti ang kanyang asawa, alam niya na hindi ito masaya sa naging disisyon niya.
Isang buntong hininga lang ang naging tugon niya. Siya nga ang may gusto na doon sila. Sa isang relocation area ng pamahalaan. Inisip na niya kung gaano kalayo ang Tondo ngunit nakaligtaan yata niyang isipin kung gaano ang presyo na makakaltas sa sahod niya kung araw araw siya mamamasahe. Gaano rin ba kalayo ang bayan? Ang palengke? Eskwelahan ng mga bata? O ng clinic o ospital? Naisama ba niya ito sa samu’t saring consideration kaugnay sa kanyang disisyon sa pagtanggap sa programang pabahay ng pamahalaan? Biglang gumulo ang utak niya, ang daming mga tanong ang nag-uunahang pumasok sa isip niya.
Unang gabi sa bagong tahanan nila. Kailangan niyang bumili ng mahabang extension wire para lang magkaroon sila ng kuryente. Kailangan din niyang bumili ng malaking drum para pag-ipunan nila ng tubig. Dumidilim na, saka niya naiisip ang maraming pangangailangan nila.
“Ga, kailangan nating bumili ng katre o kahit foam na lang.” paglalambing ng asawa niya. “mahirap namang matulog sa sahig, kahit latagan pa natin ng karton saka banigan, e masakit sa likod ang semento. Baka magkasakit pa ang mga bata.”
“Sige lang ga, sa susunod na sweldo ko.”
Bahagyang nawala ang ngiti sa labi ng kanyang asawa. Alam niya na nalulungkot ito sa kalagayan nila ngayon. Siya lang naman kasi ang may gustong makatira sa relocation site. Napag-awayan nila iyon minsan, dahil lalaki siya walang nagawa ang kanyang asawa. Desisyon niya ang masususnod dahil siya ang padre de pamilya.
Naisip din niya ang mga bagay na pinag-uusapan nilang mag-asawa. Mga bagay na pinapaliwanag sa kanya ng kanyang asawa. “Ga, kung hindi natin igigiit ang karapatan natin patuloy lang tatapakan ang ating dangal. Kapirasong lupa lang naman ang hinihiling natin pero bakit hindi maibigay ng pamahaalan, mas pinapaburan pa nila ang malalaking kumpanya na gawing komersyal ang lugar natin.”
“May inaalok naman silang bahay sa mga relocation site.” aniya.
“Sa malayong lugar…” napailing pa ito. “Anong klaseng buhay meron sa mga relocation site? Ga, nandito ang buhay natin, ang ating kabuhayan. Kapag dinala tayo sa malayong lugar anong klaseng buhay ang naghihintay sa atin at sa mga kagaya nating mahihirap?”
Lumipas ang ilang araw, kailangan na niyang pumasok sa trabaho. Habang nakasakay siya sa tren natutuwa siya dahil napakalinis ng kahabaan ng relis. Wala ng mga eskwater. Natutuwa siya dahil noong kabataan niya halos nakadikit na ang mga dingding ng mga bahay sa tren. Ngayon napakaaliwalas ng lugar sa mata. Ngunit habang tinatahak ng tren ang patungo ng Tutuban unti unti bumubulaga sa kanya ang kalagayan ng mga taong nakatira doon. Parang isang camp site ang gilid ng riles. Ang mga tarpaulin na ginamit sa eleksyon, mga kumot, sako at mga telang pinagduktong duktong ang nagsilbing bubung ng kanilang bahay. Bahay? Matatawag bang bahay ang ganoong klaseng tirahan. Natanaw din niya sa bandang Abad Santos ang tulak tulak na kariton ng dalawang mag-asawa, animoy mga pagong na tulak tulak ang kanilang bahay.
Naisip niya ang kinabukasan ng kanyang pamilya. Halos mag-iisang dekada na siyang nagtatrabaho sa pabrika na kanyang pinapasukan ngunit wala pa ring asenso ang kanyang buhay. Ngayon, nakasisigurado siya na hindi sasapat ang sahod na natatanggap niya buwan buwan sa kanilang panggastos at mga bayarin.
Ngayon niya napagtanto kung anong klaseng buhay meron siya. Na kahit anong klaseng paghihirap niya sa trabaho ay walang mangyayari sa kanya at sa mga pangarap niya para sa kanyang pamilya.
Binalikan niya ang dating tirahan nila. Halos kalahati na ng kanilang kumunidad ay nagiba na pero nanatili pa rin roon ang mga dati niyang mga kapitbahay. Ang iba ay muling itinayo ang mga ginibang bahay. Mababakas mo ang karahasang nangyari sa lugar. Nakabarikada pa rin ang kanyang mga kabitbahay na tila nasa isang digmaan na naghihintay sa pagdating ng mga kaaway. May mga streamer at placard na nakakabit sa bungad ng mga bahay, mga pahayag ng nagsusumamo’t naghihimagsik na mamamayan.
SERBISYONG PABAHAY! HINDI NEGOSYO!
WALANG DEMOLISYON HANGGA’T WALANG NEGOSASYON!
Natuklasan niya mismo na hindi lamang ang mga tahanan ang pinuntirya ng mga nagdemolis sa kanila. May mga dinampot raw na lider, mga kabataan at kababaihan na ipinaglaban ang kanilang karapatan. May mga sugatan at muntik nang mamatay na hanggang ngayon ay nakaratay raw sa pampublikong ospital. Nabagabag siya sa kanyang mga nalaman. Nakaramdam siya ng awa… hindi, nakaramdam siya ng galit. Naalala niya ang madalas na pagtalunan nila ng kanyang asawa. “Hahayaan na lang ba natin na tapaktapakan ng mga mayayaman ang dignindad nating mga mahihirap!?” ani ng kanyang asawa.
May kung anong kirot ang naramdaman niya sa kanyang puso. Hanggang nasumpungan niya ang kanyang sarili na magtungo sa bahay ng lider maralita ng kumunidad na kanyang kinalakhan. Nasabi niya, “Marami pa akong gustong alamin.”
Subscribe to:
Posts (Atom)