Wednesday, September 21, 2011

Haring Bakal

Haring Bakal
07.11.11
11pm


Naghahari ang kali-kaliwang bakal
Nang riles, nang nagdudustang ekonomiya
Sa tula-tulakang tao, nang di mabilang na pinto
Kung saan tutungo, sa paroroonan
O sa tindi ng init, sa kabila ng buga ng aircon.

Naghahari ang pagtitipid
Nang sampung piso hanggang kinse
At kahit ang presyon ay tataas
Sa kabi-kabilang amoy ng naghahalong pawis
Nang iba't ibang tao, mukha, balikat!

Naghahari ang bawat istasyon
Mula alabang hanggang tutuban, 'wag kang haharang harang
Sa dami ng pasahero sa sais per kwatrong upuang kahoy
Sa paghihintay ng bawat minuto'y kakabakaba
Sa duyan na tila impyernong kahon.

Naghahari ang bilis
Nang swerteng di mahuli sa trabaho
Unaunahan, siksik hangga't may puwang
Ang kaawaawang aleng pinagpipyestahan ang balat ng katawan
Nang bading, nang mamang nagmumura sa sistemang kinasasadlakan.

Naghahari sa kasiyahan
Ang malulungkot na mukha ng estudyante sa PUP
Nang mga nag-aaral sa eskwelahang nakakonekta sa Espanña
Nang mga construction worker sa Makati
At naghahari ang mga singkit sa tinatamasang karangyaan.

Mahiwagang Langis

Mahiwagang Langis
07.02.11
8am


Haplusin mo ang aking kaibuturan
Lunasan mo ang aking nararamdaman
Maghimala ka ng walang katapusan
Gamutin mong sugat ng puso't isipan.

Pagmasdan mo silang nangangailangan
Pila-pila lang, nakikipag-unahan
Resetang hawak walang mapaghugutan
Bahala nang umiwas kay kamatayan.

Grabe na kalala itong kalagayan
Pagkakawang gawa'y ginawang minahan
Parang sa isang pyesta'y nagchichibugan
Habang naglilimos ang karamihan.

Itong paghihirap tuluyang wakasan
Pananamantala'y dapat ng pigilan
Isang hagod lang ng makapangyarihan
Mahiwagang langis, maghiwaga naman.

Thursday, September 8, 2011

award.. di masamang sumali...





Di nga masamang mangarap kung ito'y matutupad
Magpapalipad ng saranggola hanggang marating ang alapaap
Ang hangin ay pilit na susuungin, sa lupid ako'y nakakawing
Ang tagumpay ay di ang parangal kundi ang kasiyahang mapagtatagumpayan.