Monday, May 24, 2010

Laiya

Laiya
ni Anthony Barnedo
May 23, 2010

Sa aking paglalakbay damdamin ko'y nasagi
Ng iyong kariktan, sa isip ko'y namalagi
Sa simoy ng 'yong hangin, ligaya'y namutawi
Hampas ng 'yong along may balot na luwalhati.

Isang birhen ka nga kung ako ang magsasabi
Kaylinis ng dambana tila isang mabini
Tatampisaw tampisaw at sadyang mawiwili
Sa Perlas ng Silangan maipagmamalaki.

Kung di mapigilang pag-unlad, ito'y maigi
Dangan lamang baka madungisan ang 'yong lipi
Pagkagahasa sa iyo'y 'wag sanang mangyari
Pagtayog ng magara't dambuhalang gusali.

Sana nga ikaw ay nagkakanlong ng kakampi
Na s'yang magtatanggol sa lahat ng mang-aapi
Mailayo sa gahaman na utak salapi
Upang ang 'yong interes ang laging mamayani.

Ang 'yong karagata'y huwag maging guni-guni
Tubig na tila salamin, 'wag sanang rumumi
Walang hanggan dapat sa iyo ang pagkandili
Laiya, ang 'yong ganda tuwi na'y manatili.

(Tulang may labing apat na pantig bawat talutod.)

Ang tulang ito ay nabuo sa paghanga sa kagandahan ng karagatan ng Laiya, San Juan, Batangas.

Wednesday, May 19, 2010

Pagharap sa Katotohanan

Pagharap sa Katotothan
ni Anthony barnedo
May 19, 2010

Ano kaya ang sasalubungin bukas,
Sa guhit ng kasaysayang walang wakas?
Ang damdaming tuluyang ng nagkadungis
Sa hapdi ng paghihirap at hinagpis.

Sa bawat pagpatak ng butil ng pawis
Kaakibat ang piliting makaalpas
Ng Dalitang pagkaapi ang dinanas
Sa tanikalang nag-umigpaw ang dahas.

Sa mugtong mata man palagi ang bakas
Ang tinik sa puso'y di na maaalis
Ang hapdi man ay mapawi't magkalunas
Dilim ay mananatiling nakabigkis.

Hangga't sistema'y sa bayan nakagapos
At ang iilan nga ay nagmamalabis
Demokrasya'y maskara lamang ng Burgis
Ng Kapitalistang tubo lang ang nais.

Paglaya ay lagi na lang kinakapos
Katotohanan ay di ba hinahaplos?
Halina't pagbabago ay gawing lubos
Pakikibaka't maigting na pagkilos.


(Tulang may labing dadalawahing pantig bawat taludtod.)